Information is the foundation of good governance.
KALBARYO PA RIN!
Marami pa rin ang mga katanungan tungkol sa Coco Levy, partikular kung ano raw ba ang nangyari sa usaping ito. Mga katanungang galing sa bayan-bayan at sa mga barangay.
Matagal na panahon ang naging kalbaryo ng mga magniniyog. Sa kabila ng patuloy na pagmamalasakit ng ilang mga farmer leaders, magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nadadama ang katanungang dapat ay kaytagal nang nakamtan ng mga magniniyog.
MAIKLING KASAYSAYAN
Matatandaan na noong 1972-1983, panahon ng diktadurya ay ipinataw ang Coco Levy sa mga magniniyog. Malaking halaga ang binawas sa presyo ng kanilang kopra. Di lang sila makapagreklamo nang lantaran noon pagkat Martial Law.
Nagkaroon ng halalan para sa Batasan noong 1984. Kahit walang pondo at madalas ay naglalakad lang, ako ay nahalal. Ang bilin sa Quezon ay siyasatin ko ang puno at dulo ng Coco Levy. At iyon sana ay maibalik at mapakinabangan na ng mga magniniyog. Kabubukas pa lang ng Batasan noong 1984 ay inihain ko agad ang Resolution No. 6. na ang layunin ay ang nasabing bilin ng aking mga kababayan. Bagamat may kaba (kainitan ng Martial Law noon), pinagsikapan kong tayuan at itaguyod iyon sa floor ng Kongreso. Ngunit iilang mga kongresista ang sumuporta.
Napatalsik ang diktador noong 1986. Naupo si Pangulong Cory. Binuwag ang Batasan at nagkaroon ng halalan noong 1987. Nahalal ako at muling ini-file ko ang Resolution No. 6. Tatlong beses ko tinayuan sa floor ito upang maipasa, ngunit kulang pa rin ang naging suporta ng mga kasamahan kong kinatawan.
Natapos ang administrasyon ni Pangulong Cory noong 1992. Itinatag namin ang COIR. Noon ko nakasama si Joey Faustino na siyang naging Executive Director at nagpatakbo ng COIR hanggang ngayon. Masipag at consistent. At mahahalaga sa mga magniniyog ang kanyang ginampanan.
Magkano kaya iyong kabuuan ng pondong levy na kinaltas at naipagkait sa mga magniniyog? Magkano kaya ang balor, kung kayang baloran, ang mga pagkakataong naipagkait sa kanila at kanilang mga mahal sa buhay - sanhi ng ipinataw na levy.
Nakisangkot ang COIR sa mga adbokasya upang itaguyod ang interes ng mga magniniyog at nang sa wakas sana'y makamtan na nila ang katarungan na mahigit na 40 taon na ipinagkait sa kanila.
DI DAPAT MALIMUTAN NA: Ang Coco Levy ay ipinataw sa mga magniniyog noong Martial Law.
- Noong mga panahong iyon, ang presyo ng kopra na binabayad sa mga magniniyog ay kinaltasan ng average Php60 kada 100 kilo.
- Iyon daw ay ipinataw upang makalikom ng capital para sa mga magniniyog ("for the benefit of the coconut farmers"). Ngunit ang magandang layuning iyon ay di nangyari. Ang pndo ay napagsamantalahan.
- Pinatunayan ng Philippine Coconut Authority na ang mga magniniyog ay naninirahang marginalized o nagdarahop sa may 21,000 coconut barangay sa bansa.
- Kinumpirma naman ng National Anti-Poverty Commission na ang mga magniniyog ay "the poorest of the poor and the most socially insecure sector of society."
- May ilang nagmamalasakit na NGOs at farmer leaders na patuloy na nananawagan sa radyo, TV, sa mga diyaryo at public meeting na mabawi ang pondong levy upang magamit na nang wasto at sana'y umangat na ang pamumuhay ng mga magniniyog.
- Ang adbokasyang ito ay nangyari noong panahon ng Martial Law at patuloy pang itinaguyod noong administrasyon ni Pangulong Cory, Ramos, Erap, Gloria, P-Noy at magpahanggang ngayon.
- Bumilis-bilis ang mga pangyayari nitong panunungkulan ni P-Noy, sa tulong ng CBCP-NASSA na pinamunuan ni Bishop Pabillo at Executive Director Fr. Edu at mga kaparian.
- Noong 2012 ay naisagawa iyong unang "lakad" mula Lucena City hanggang Supreme Court premises. Doon kami nanawagan na wakasan na sana ng hukuman ang levy cases na kaytagal nang nabibinbin sa kanila.
- Noong ding December 12, naimbitahan kami at ilang farmer leaders sa Senado sa isang public hearing on the levy. Naisiwalat ng mga farmer leaders ang hinaing ng mga magniniyog.
- Di nagtagal at noon ding December 2012, ay ibinaba na ng Supreme Court ang desisyon na ang 24% San Miguel shares valued at Php70B plus "belong to all the coconut farmers".
- Dahil sa wala pang tinatawag na entry of judgement doon sa 2012 Supreme Court decision, napilitang magsagawa muli ng "lakad magniniyog" noong 2014. May 71 sila na naglakad mula Davao hanggang Maynila noong September hanggang November 2014. Napilitang imbitahan ng Malacañang ang mga lider magniniyog sa isang dayalogo noong November 26, 2014 kung saan ito ang naging commitment ni P-Noy:
"Malinaw naman po siguro, buong-buo ang aming suporta. Nasa panig ninyo kami. Magkatugma ang mga hangarin ninyo, at ang hangarin ng gobyerno sa inyo." (Excerpts from P-Noy's speech at the start of the November 26 dialogue sa Malacañang.)
- On March 18, 2015, apat na buwan matapos ang nasabing dayalogo, ibinaba na ng Malacañang ang Executive Orders 179 at 180, na naglalayon ng "partial distribution" ng pondong levy.
- Noong September 21, 2015, ang Kilos Magniniyog ay nag-camp out sa tapat ng tanggapan ng PCA. Iginiit nila ang hinihiling na fulfillment ng mga commitment ni P-Noy doon sa Malacañang dialogue.
- On October 6, 2015, pinirmahan ni P-Noy ang certification na urgent ang panukalang batas na Coconut Trust Fund Bill.
MAY PANAHON PA. Naipasa na ng House ang kanilang version ng Coco Trust Fund Bill. Malungkot pagkat di naman naipasa ng Senado ang kanilang version. Inabot na ng adjournment. KUNG sinikap sana ng Senado bago sila nag-adjourn na maipasa ang kanilang version at KUNG naaprobahan iyong makatarungang bill sa Bicameral Committee at KUNG napirmahan ito ng Pangulo bago nag-adjourn ang Kongreso - DISIN SANA'Y NGAYON AY GANAP NANG BATAS ANG COCO TRUST FUND BILL.
Matapos ang halalan sa Mayo 9, 2016, muling magkakaroon ng session ang Kongreso. May nalalabi pang sessions bago ang final adjournment nila. Sana'y paglubusang pagmalasakitan ng both Houses na maipasa ang Coco Trust Fund Bill bago mag-final adjournment ang Kongreso sa June 30, 2016.
MGA ILANG ARAL. May naging pagkukulang ang mga kinauukulan - ang House, lalo na ang Senado at Malacañang. Kung lubusang pinagsikapan nila, sana'y ganap nang batas ang Coco Trust Fund Bill. Di tulad ng mga nangyaring kaganapan:
- Kinailangan pang sakripikadong magsagawa ng "dalawang lakad" ang mga magniniyog bago magising ang Malacañang at nakipagdayalogo sa mga magniniyog.
- Kinailangan pang talakayin at pagtalunan ng 2 kapulungan (House at Senado), lalo na ng Senado (nang kaytagal na tatlumpung taong singkad). Naipasa na ng House, ngunit inabot pa ng adjournment ang Senado na di nila naipasa ang kanilang version.
- May kakulangan din ang LGUs - ang mga Sangguniang Panlalawigan, ang mga Sangguniang Bayan at mga Sangguniang Barangay. Kung sila ay nakisangkot at pinaabot sa kanilang mga kinatawan ang kahalagahan na maging batas ang Coco Trust Fund Bill ay naipasa sana ito bago nag-adjourn ang Kongreso.
- May kakulangan din ang mga mamamayan. Lalo na ang tumatayong mga lider magniniyog.
Tunay nga ang wika na: "Nakakamit ng bansa ang kapalarang angkop lamang sa kanya."
Ka Oca
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento