Martes, Abril 12, 2016

Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

REPORMANG AGRARYO AT KASIGURUHAN SA PAGKAIN, NASAAN ANG INYONG AGENDA?
Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

Paumanhin po sa kaunting abala. Mga magsasaka po kami mula sa Sariaya, lalawigan ng Quezon. Naglalakad kami patungong ka-Maynilaan, kasama ang aming mga kaalyado para iparating sa taumbayan ang aming kahilingan na isama sa agenda ng Eleksyon 2016 ang pagpapatupad ng makabuluhang batas sa repormang agraryo, proteksyon sa agrikultura, kasiguruhan sa pagkain, at ganap na pagbawi ng coco levy fund.

"Bayaning di kilala". 'Yan ang madalas na tawag sa magsasaka. Kung wala daw kasi ang mga magsasaka, walang kakainin ang bansa. Nakalulungkot pero ito'y pagdakilang palipad-hangin lamang. Paano nga po, makalipas ng limang presidente at 30 taon matapos ang EDSA People Power, wala pa ring buhay na may dignidad ang mga magsasaka: marami pa ring walang lupa, walang suportang serbisyo at walang proteksyon sa gitna ng nagbabagong klima. Patuloy din kaming biktima ng pandarahas na ipinapakulong o pinapatay kapag lumalaban para sa karapatan sa pagkain o sa lupa. Madalas na magsasaka rin ang biktima ng sistematikong pagnanakaw sa kabang-yaman: noon ay ang coco levy fund na ninakaw sa mga magniniyog at pinakinabangan ng mga crony ni Marcos sa pangunguna ni Danding Cojuangco; ngayon naman ay bilyon-bilyong nawaldas sa Fertilizer Scam, Pork Barrel Scam, Gintong Masaganang Ani (GMA) at iba pa.

Nabaon sa kumunoy ang repormang agraryo. Napako ang pangakong lupa sa ilalim ng Tuwid na Daan. Hindi umusad ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at wala pang 20% ng 1 milyong ektaryang target ng CARPER ang naipamahagi sa higit 5 taon ng PNoy Administration. Noong nakaraang taon (2015), 30,000 lamang sa target na 205,000 ang naiulat na naipamahagi. Ito ang dahilan kung bakit maraming lupain ang hindi naipamahagi at maraming magsasaka ang patuloy na walang lupa. Ipinagwalang bahala rin ang kahalagahan ng suportang serbisyo kung kaya't ang mga naipamahaging lupa ay nawala rin sa mga magsasaka at nakontrol ng iilang ariendador, kagaya nang nangyari sa Hacienda Luisita.

Kahit ang naibigay na lupa ay binabawi pa. Ang malungkot pa, ang mga lupaing dati nang naipamahagi ay unti-unti ring binabawi at pinapawalang bisa sa kasalukuyan. Partikular sa bayan ng Sariaya, may kabuuang 4,800 ektaryang naipamahagi sa 3,781 pamilyang magsasaka ang napipintong mawala sa mapa dahil sa pagkansela ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs). Ang pagbawi ng CLOAs/EPs ay nag-uugat sa Application for Exemption ng mga dating may-ari ng lupa na patuloy na nabibigyang daan kahit matagal na sa magsasaka ang mga CLOA. May 3 kaso na ng pagbawi ang naganap na nakaapekto sa halos 100 magsasaka at 200 ektaryang sakahan. Mayroon namang isang kaso na nakabimbin sa Korte Suprema na nakaapekto sa 255 na magsasaka at 416 ektarya ng sakahan. Marami pang kaso ng kanselasyon ng CLOA sa iba't ibang antas ng pagdinig.

Panganib sa seguridad sa pagkain. Kaiba sa maraming lugar, naabot na sana ng Sariaya ang mataas na antas ng kaseguruhan sa pagkain nang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Kung dati ay mga share tenants lamang na tumatanggap ng tersyo ng ani, nagkaroon ng iba't ibang kita ang mga magsasaka mula sa niyog, gulayan, hayupan, at iba pa dahil nailipat sa kanila ang pagmamay-ari at pagtatakda kung paano gagamitin ang lupa. Ito ang nagbigay daan sa pagtaas ng kita at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Sa ngayon ay isa nang "food basket" ang Sariaya na isa sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon. Sa ibaba ay makikita ang ambag ng Sariaya sa seguridad sa pagkain ng bansa ayon sa tala ng lokal na pamahalaan:

Kung isasama pati livestock, higit 100,000 toneladang pagkain at higit sa 1 Bilyong Piso ang halaga ng nalilikhang pagkain ng magsasaka sa Sariaya sa bawat taon. Ang antas ng seguridad ng bayan ng Sariaya sa bigas at gulay ay 225% habang sa livestock naman ay 115%. Wala itong magiging kakulangan sa pagkain sa susunod na 15 taon habang patuloy na nag-aambag sa pagkain ng iba pang bahagi ng Luzon. Ito ngayon ang nakatakdang mawala sa pagkansela ng mga CLOA ng mga magsasaka.

Ibabalik muli sa kahirapan ang magsasaka. Ang tagumpay ng mga magsasaka na pag-ahon mula sa kahirapan ay mababalewala dahil mawawala sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa. Muli silang babalik sa kahirapan sapagkat mawawalan sila ng sakahan at kabuhayan. Wala ring malinaw na alternatibo ang pamahalaan sa pagbawi ng CLOA at lupa sa magsasaka, maliban sa "disturbance compensation" na sa naunang mga kaso ay P7,000 lamang kada ektarya.

Lalala ang kawalan ng kasiguruhan sa pagkain. Tila wala namang pakialam ang pamahalaan sa patuloy na kakulangan ng pagkain ng bansa dahil sa patuloy ang kabi-kabilang kumbersyon ng mga lupang agrikultural na nagpapaliit sa taniman ng pagkain sa bansa. Ito ay sa kabila ng matinding krisis na dulot ng climate change sa agrikultura kagaya ng nararanasan sa Mindanao. Pabibilisin ng CLOA cancellation ang pagkaubos ng lupaing agrikultural dahil sa pag-convert ng lupa sa residensyal, komersyal, industriyal at iba pang gamit. Dahil dito, lalong aasa ang bansa sa pag-angkat ng pagkain mula sa ibang bansa. Hindi rin malayong mas madalas ang pagkakaroon ng food shortage na lalong maglalagay sa panganib at magpapataas ng presyo ng pagkain sa bansa.

Karahasan ang tunguhin ng kanselasyon ng CLOA. Ang kanselasyon ng CLOA ay magtutulak sa puwersahang pagpapaalis sa mga magsasaka. Ang mga pagpapaalis na ito ay tiyak namang tututulan ng mga magsasaka dahil sa ito ay direktang pagyurak sa karapatan sa pagkain at karapatang mabuhay.

Sa gitna ng ganitong banta sa kasiguruhan sa pagkain, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, hinahamon ng mga magsasaka:
- Ang mga kandidato sa panguluhan upang maglabas ng malinaw na plataporma / programa kaugnay sa repormang agraryo, kasiguruhan sa pagkain ng bansa, at pagbawi at paggamit ng coco levy fund;
- Ang Korte Suprema na itigil ang mga desisyong nagkakansela ng CLOA dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay, kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng magsasaka at ng bansa.

Ugnayan ng mga Magsasaka ng Gitnang Quezon (UGNAYAN)
Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (KATARUNGAN)
Abril 12, 2016

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento