SUPORTAHAN ANG LABAN AT AGENDA NG MGA MAGSASAKA NG SARIAYA!
Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad
Ang mga kapatid nating magsasaka sa Sariaya, Quezon ay naglalakad ngayon patungong ka-Maynilaan upang iparating sa taumbayan at mga pulitiko ang kahilingan na isama sa agenda ng Eleksyon 2016 ang pagpapatupad ng makabuluhang batas sa repormang agraryo, proteksyon sa agrikultura, kasiguruhan sa pagkain, at ganap na pagbawi ng coco levy fund.
"Bayaning di kilala". 'Yan ang madalas na tawag sa magsasaka. Nakalulungkot pero ito'y pagdakilang palipad-hangin lamang. Sapagkat makalipas ng limang presidente at 30 taon nang mag-EDSA People Power, wala pa ring dignidad ang buhay ng mga magsasaka: marami pa ring walang lupa, walang suportang serbisyo at walang proteksyon sa gitna ng nagbabagong klima. Patuloy silang biktima ng pandarahas; ipinapakulong o pinapatay kapag lumalaban para sa karapatan sa pagkain at lupa. Madalas na magsasaka rin ang biktima ng sistematikong pagnanakaw sa kabang-yaman ng bansa: noon ay ang coco levy na ninakaw sa mga magniniyog at pinakinabangan ng mga crony ni Marcos sa pangunguna ni Danding Cojuangco; ngayon naman ay Bilyong Piso na nawaldas sa Fertilizer Scam, Pork Barrel Scam, Gintong Masaganang Ani (GMA) at iba pa.
Nabaon sa kumunoy ang repormang agraryo. Napako ang pangakong lupa sa ilalim ng Tuwid na Daan. Hindi umusad ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at wala pang 20% ng 1 milyong ektaryang target ng CARPER ang naipamahagi.
Kahit ang naibigay na lupa ay binabawi pa. Ang malungkot pa, ang mga lupaing dati nang naipamahagi ay unti-unti ring binabawi at pinapawalang bisa. Sa bayan ng Sariaya, may kabuuang 4,800 ektaryang naipamahagi sa 3,781 pamilyang magsasaka ang napipintong mawala sa mapa dahil sa pagkansela ng mga Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs). Ang pagbawi ng CLOAs/EPs ay nag-uugat sa Application for Exemption ng mga dating may-ari ng lupa na patuloy na pinapaboran ng gobyerno kahit matagal nang naipagkaloob sa magsasaka ang mga CLOA. May tatlong kaso na ng pagbawi ang naganap na nakaapekto sa halos 100 magsasaka at 200 ektaryang sakahan. Mayroon namang isang kaso na nakabimbin sa Korte Suprema na nakaapekto sa 255 na magsasaka at 416 ektarya ng sakahan. Marami pang kaso ng kanselasyon ng CLOA ang nasa Korte.
Panganib sa seguridad sa pagkain. Kaiba sa maraming lugar, naabot na sana ng Sariaya ang mataas na antas ng kaseguruhan sa pagkain nang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Kung dati ay mga share tenants lamang na tumatanggap ng tersyo ng ani, nagkaroon ng iba't ibang kita ang mga magsasaka mula sa niyog, gulayan, paghahayupan at iba pa dahil nailipat sa kanila ang pagmamay-ari at pagpapasya kung paano gagamitin ang lupa. Ito ang nagbigay daan sa pagtaas ng kita at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Sa ngayon ay isa nang "food basket" ang Sariaya na isa sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon. Kung isasama pati livestock, higit 100,000 toneladang pagkain at higit sa 1 Bilyong Piso ang halaga ng nalilikhang pagkain ng magsasaka sa Sariaya sa bawat taon. Ang antas ng seguridad ng bayan ng Sariaya sa bigas at gulay ay 225% habang sa livestock naman ay 115%. Wala itong magiging kakulangan sa pagkain sa susunod na 15 taon habang patuloy na nag-aambag sa pagkain ng iba pang bahagi ng Luzon. Nanganganib maglaho ang mga ito.
Ibabalik muli sa kahirapan ang magsasaka. Ang tagumpay ng mga magsasaka na pag-ahon mula sa kahirapan ay mababalewala dahil babawiin sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa. Muli silang babalik sa kahirapan sapagkat mawawalan sila ng sakahan at kabuhayan. Wala ring malinaw na alternatibo ang pamahalaan sa pagbawi ng CLOA at lupa sa magsasaka, maliban sa "disturbance compensation" na sa naunang mga kaso ay P7,000 lamang kada ektarya.
Lalala ang kawalan ng kasiguruhan sa pagkain. Tila wala namang pakialam ang pamahalaan sa patuloy na kakulangan ng pagkain ng bansa dahil sa patuloy ang kabi-kabilang kumbersyon ng mga lupaing agrikultural na nagpapaliit sa taniman ng pagkain sa bansa. Ito ay sa kabila ng matinding krisis na dulot ng climate change sa agrikultura kagaya ng nararanasan sa Mindanao. Food shortage, pagsandig sa importasyon at pagtaas ng presyo ng mga pagkain ang idudulot nito.
Karahasan ang tunguhin ng kanselasyon ng CLOA. Ang kanselasyon ng CLOA ay magtutulak sa puwersahang pagpapalayas sa mga magsasaka. Ang mga pagpapalayas na ito ay tiyak na tututulan ng mga magsasaka dahil sa ito ay direktang pagyurak sa karapatan sa pagkain at karapatang mabuhay.
Sa gitna ng ganitong banta sa kasiguruhan sa pagkain, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, hinahamon ng mga magsasaka:
- Ang mga kandidato sa Panguluhan upang magpahayag ng malinaw na plataporma / programa kaugnay sa repormang agraryo, kasiguruhan sa pagkain ng bansa, at pagbawi at paggamit ng coco levy fund;
- Ang Korte Suprema na itigil / kanselahin ang mga desisyong nagkakansela ng CLOA dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay, kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng magsasaka at ng bansa.
Ang mga nabanggit na suliranin ng mga magsasaka, hindi lamang sa Sariaya, Quezon, maging ang iba pang pagdurusa ng masang Pilipino, gaya ng kontraktwalisasyon, mababang pasahod, mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, korapsyon, mataas na buwis, human rights violation, climate change, krimen at marami pang iba, ay nakakawing sa kawalan ng pinakamahalagang sangkap ng ganap na demokrasya sa bansa; una, ang kawalan ng representasyon ng mga marginalized sector, gaya ng mga magsasaka, sa pamahalaan; ikalawa ay ang kawalan ng tuwirang partisipasyon at aksyon ng mga marginalized sector sa mga programa at patakaran ng gobyerno.
Tuwing mag-eeleksyon, maririnig natin sa mga kandidato ang mga paulit-ulit na pangakong mag-aahon sa atin sa kahirapan. Nabansot ang papel natin bilang tagaboto lamang kung sino ang susunod na magpapasasa sa kabang-yaman ng gobyerno. Sa kalakhan, wala naman talaga tayong pagpipilian kundi ang mga pare-parehong political dynasty; mula sa lolo hanggang sa mga apo na nagrerelyebo sa pwesto.
Ngayong Eleksyon 2016, sa ilalim ng plataporma ng SANLAKAS Party List at pitong kakampi ng masa sa Senado (Walden Bello, Neri Colmenares, Dado Valeroso, Lorna Kapunan, Toots Ople, Levi Baligod, Allan Montano), simulan nating ipundar ang pagkakaisa at lakas nating mga api't mahihirap sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga SANLAKAS Chapter sa ating mga Barangay. Ang kombinasyon ng ating mga kinatawan sa Kongreso't Senado at ang ating pagkaka-organisa sa mga Barangay ang moog ng pampulitikang pwersa na magsusulong ng ganap na demokrasya at reporma para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon, ang ating mga anak at apo:
#37 SANLAKAS Party List
Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog
Abril 14, 2016
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento