BUWISAN ANG MAYAYAMAN
AT HINDI ANG MGA MAHIHIRAP!
AT HINDI ANG MGA MAHIHIRAP!
Mula nung nag-break sa session ang mga Senador noong ikatlong linggo ng Oktubre may ilang mga naganap na mayor na humugis sa isyu ng Sin Tax o ang karagdagang buwis na sisingilin ng gobyerno mula sa gumagamit ng produktong tabako at alkohol. Kapag naipasa ang sin tax bill, magtataas ang presyo ng murang sigarilyo ng mahigit 1000% na ayon sa gobyerno'y mapupunta daw sa pondo ng PhilHealth at pagpapaganda ng mga pasilidad ng mga pampublikong ospital.
Unang kaganapan: Sa utos ng Malacanang, inakusahan ng Presidential Legislative Liaison officer na si Manuel Mamba ang mga Senador na tumanggap ng suhol mula sa mga kumpanya ng tabako't alak. Sinagot ni Senador Enrile ito na magpakita ng katunayan kung wala nama'y mag-issue ito ng public apology at bawiin ang lahat ng naunang pahayag nito.
Ikalawang kaganapan: Pormal nang itinalaga si Senador Franklin Drilon bilang Chairman ng Ways and Means Committee ng Senado. Ang kumiteng ito ang namamahala sa pagdi-disenyo ng pinal na bersyon ng batas bago ihapag sa pangkalahatang pulong ng mga mambabatas at isusumite sa Pangulo.
Ikatlong kaganapan: Naganap ang isang close-door meeting sa pagitan ng ilang representante ng Malacanang sa pamumuno ni Kalihim ng Department of Budget and Management at tumatayong little president sa Malacanang na si Butch Abad at ng mga senador. Naganap ito matapos pumalag ang mga senador sa akusasyong tumanggap sila ng suhol. Dahil dito'y humingi ng paumanhin ang mga tao ni P-Noy at nagkasundo sila sa isang kumpromiso na ipapasa pa rin nila ang sin tax bill at kikita pa rin ang gobyerno ng talumpu hanggang apatnapung bilyong piso kada taon.
Pang-apat na kaganapan: Sa pagbalik ng mga senador mula nung Undas, isinumite ni Senador Drilon bilang bagong Ways and Means Committee chairman ang pinakuhuling bersyon ng sin tax bill. Ayon sa panukala ni Drilon, target ng gobyernong patawan ng apatnapu hanggang apatnapu't limang bilyong piso kada taon ang kawawang mamamayan.
Ang implikasyon ng mga kaganapang ito ay ang ibayong pagkakaisa ng iba't-ibang sangay at ahensya ng gobyerno na itulak ang kanilang agenda na siyang dadagok at tuluyang papatay sa kabuhayan at hanapbuhay ng tatlong
milyong manggagawa't magsasaka at ng kanilang mga pamilya. Ayon kay Drilon, balak nilang tapusin ang debate sa Sin Tax sa ika-19 ng Nobyembre. Ibig sabihin, bibilisan ng kapal-mukhang mga senador ang kanilang moro-morong deliberasyon dahil pare-pareho naman silang nagkakasundo na kailangan pasanin ng mga manggagawa't-maralita ang lahat ng nilang kaprisyo.
Kung tayong mga ordinaryong mamamayan ang nagluklok sa mga abusadong senador na ito, natural lamang na tayo ang may karapatan at kolektibong kapangyarihan na alisin sila sa pwesto at singilin sila sa kanilang pag-abandona sa interes natin at pagtra-traydor sa tiwalang pinagkaloob natin sa kanila.
Habang dinidiinan natin ng kritisismo ang mga senador hindi dapat mawaglit kahit kailan sa ating isipan na ang mastermind ng kontra-mahirap na panukalang ito, si Noynoy Aquino. Rinereserba natin sa kanya ang ating pinakamatinding galit sa presidenteng puro publicity na siya'y ating boss pero nuknukan naman na maka-dayuhan at maka-elitista ang lahat ng ginagawa ng kanyang rehimen.
Huwag tayong magtataka kung ang resulta ng debate sa Sin Tax ay isang kumpromiso. Isang kumpromiso na ikagagalak ni P-noy, iba pang pulitiko, mga kapitalista't asendero ng mga produktong tabako't alak at iba pang negosyanteng tumutubo sa pamamagitan ng pag-aalipin sa ating manggagawa't magsasaka. Habang tayong ordinaryong masa ay ginigisa sa sarili nating mantika at tayo rin ang siyang kaisa-isang biktima sa labanan nila para sa tubo at buwis.
IBASURA ANG SIN TAX, ITAAS NA LAMANG ANG CORPORATE TAX!
ILANTAD ANG SABWATAN NG GOBYERNO AT MGA KAPITALISTA'T ASENDERO SA ANTI-MAHIHIRAP NA SIN TAX!
Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART) ● Bukluran ng Manggagawang Pilipino-NCR-Rizal Chapter (BMP-NCRR) ● Samahan ng mga Manininda sa Komunidad (SMK) ● Samahan ng mga Takatak Boys (STB) ● Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod-NCR-Rizal Chapter (KPML-NCRR)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento