Sabado, Nobyembre 24, 2012

Press Statement - KILUSANG KONTRA BUWIS-it


Press Statement
Kilusang Kontra Buwis-it
November 23, 2012

Nagkakaisang Pahayag sa Paglulunsad ng
KILUSANG KONTRA BUWIS-it

Kami, mga manggagawa at maralita, batid ang matinding kahirapan na dinaranas ng mayorya ng taumbayan, ay nananawagan sa gobyernong Aquino na itigil ang pagpataw ng dagdag na buwis sa mamamayang Pilipino.

Hindi kami tutol sa buwis. Alam naming obligasyon ng  mamamayan ang magbayad ng buwis para tustusan ang mga programa ng pamahalaan. Pero ang mas dapat pumasan ng pagbubuwis ay ang mga may-kaya hindi ang mahihirap. Those who have more in life should have more of the tax burden.

Ang tinututulan namin ay ang mga buwis-it – ang klase ng mga buwis na nakakarga sa presyo ng mga batayang pangangailangan. Mga klase ng buwis na nakabatay sa konsumo imbes na sa kita at pag-aari. Mga klase ng buwis na gaya ng 12% EVAT at “Text Tax” na panukala ng International Monetary Fund (IMF)”.

Sobra-sobra na ang aming pasanin! Maliit na nga ang sweldo ng iilang may hanapbuhay. Kinakaltasan pa ito ng withholding tax. Kapag ipinambili pa ng mga pangangailangan ng kanilang pamilya, ito ay pinapatawan pa ng 12% EVAT. 

Ang sahod may withholding tax. Ang overtime pay may tax. Ang iba’t ibang mga bonus ay may tax. Ang tubig, may VAT. Ang kuryente, may VAT. Ang pagkain at damit, may VAT. Ang langis at produktong petrolyo, may VAT. Ang paggamit ng kalsada may road users’ tax. Binatbat na kami ng sobrang pagbubuwis. ‘Di tulad ng mga negosyanteng – bukod sa panuhol sa kolektor ng BIR – ay may mga accountant at abogado para makaiwas sa pagbubuwis.

Ngayong umaalingawngaw ang mga kontrobersya ukol sa gold tax, sa sin tax at sa text tax, iisa lamang ang reaksyon ng mga mahihirap: “Kami na naman?!” Bakit ang mahihirap ang mas pumapasan ng mga buwis? Ang pondo ng gobyerno ay kinukurakot lang ng iilang opisyal sa pamahalaan at hindi napupunta sa taumbayan! Bakit ang manggagawa’t maralita ang bubuhay sa estado ng mga asendero’t kapitalista? Hindi naman sa masa nagsisilbi ang gobyernong binubuo ng mga elitista!

Kami ay humihiling sa Pangulong Aquino: bigyan ng maagang pamasko ng mahihirap. Itigil ang mga bagong buwis. Sa halip, gawing “urgent” ang pagrereporma sa sistema ng pagbubuwis! Huwag siyang magpasulsol sa IMF. Ang dayuhang mga bangko’t pinansyal na institusyon ay walang malasakit sa mahihirap. Nais lamang nitong madagdagan ang pondo para sa debt servicing at debt payments ng bansa.

At upang bigyan ng lakas ang ganitong karaingan ng taumbayan, aming inilulunsad ngayon ang “Kilusang Kontra Buwis-it”. Isang kilusan na maglulunsad ng tuloy-tuloy na pagkilos laban sa anumang tipo ng dagdag na pagbubuwis sa naghihirap na mayorya ng mamamayang Pilipino.

At kung magpapataw ng bagong buwis-it ang gobyerno sa darating na mga araw, asahan niyang susugod ang libo-libong manggagawa’t maralita sa Mendiola sa Nobyembre 30, bitbit ang mga kalderong walang laman, para kalampagin ang konsensya ng Palasyo. #


O Buwis na Naman!
(to the tune of “Pasko Nanaman”)

O Buwis na naman
O kay tulin ng araw
Ang Twelve Percent VAT
Tila ba kung kailan lang
Ngayon bagong buwis
Para sa Taumbayan
Ngayon bagong buwis
Sa Walang Laman ang Tiyan

KORO:
O buwis, O buwis
O buwis na namang muli
IMF World Bank lang
Ang napapangiti
O buwis, O buwis
O buwis na namang muli
Ang bangkero naghahari

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento