PRESS RELEASE
NOVEMBER 14, 2012
NOVEMBER 14, 2012
Mga manggagawa at maralitang lungsod, muling sumugod sa Senado upang kondenahin ang kabiguan ng mga Senador na dinggin ang panawagan upang ibasura ang sin tax bill
Muling nagmartsa ang mga manggagawa at mga maralitang lungsod na kasapi ng militanteng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - National Capital Region Rizal (BMP-NCRR) sa senado upang ipahayag ang kanilang labis na pagkasiphayo at galit sa kabiguan ng mga Senador na pakinggan ang panawagan para sa tuluyang pagbabasura sa panukala ng Malakanyang na pagpapataw ng mas mataas na buwis sa alak at sigarilyo.
Ipinarada ng mga raliyista ang tatlong (3) pulang kabaong na sumisimbulo sa lungkot at ngitngit na nararamdaman ng mga manggagawa, magsasaka at maralitang lungsod sa pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa sigaw na ibasura ang sin tax bill. “Ilang araw na kaming nagrarali kada may sesyon sa senado upang iparating sa mga Senador ang tinig ng mga maliliit na mamamayan, ang pagtutol sa pagpapataw ng isang kontra-mahihirap na batas. Inulan at inaraw na kami ngunit isa man sa mga Senador ay walang lakas ng loob na harapin o pakinggan man lang ang aming mga sinasabi”, ayon kay Anthony Barnedo, Secretary General ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML-NCRR).
Ang BMP NCRR, isa sa tagapagbuo ng alyansang Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART), ay nagsimulang maglunsad ng mga pagkilos sa harapan ng senado buhat ng magsimula ang deliberasyon para sa sin tax bill. Ayon kay Gie Relova, General Secretary ng militanteng grupo, “Klaro na sa amin kung gaano kamanhid ang mga Senador sa daing ng mga manggagawa. Klaro na sa amin na wala isa mang Senador ang titindig para interes ng masa sa kanyang kabuhayan at karapatan. Klaro na sa amin na ang gusaling ito ng Senado ay libingan at musuleyo ng mga pangarap ng mga mahihirap”.
“Napakahaba na ng listahan ng mga kontra-manggagawa at kontra-mahihirap na batas na naipasa sa bulwagang ito, mula sa ratipikasyon ng GATT WTO, Visiting Forces Agreement, JPEPA, at hindi kami magugulat na maipapasa rin ang kontra-mahihirap na Sin Tax Bill,” dagdag pa ng lider-manggagawa.
Sa pagtatapos ng programa ay sinilaban ng mga militante ang tatlong (3) kabaong bilang simbulo ng pagkatupok ng mga ilusyon ng masa sa Senado bilang institusyon at ang deklarasyon ng tuloy-tuloy at papatindi pang laban sa mga darating pang mga araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento