Sabado, Oktubre 3, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 1

LANDAS NG URI

PAMBUNGAD
sa Bagong Edisyon

Isa't kalahating dekada na mula nang ilathala ang Landas ng Uri. Sa loob ng panahong iyon ay marami na ang nagbago sa daigdig. Ang pamamayagpag ng pangako ng globalisasyon noong unang hati ng dekada '90 ay nahalinhan na ng pagsiklab ng krisis ng imperyalismo sa huling mga taon ng nakaraang milenyo. Ang mga kasinungalingan ng mga promotor ng imperyalistang globalisasyon ay ganap nang nalalantad sa paglalim ng krisis ng pandaigdigang ekonomya.

Nasaan na ang milyun-milyong trabahong lilikhain ng pagpasok ng bilyun-bilyong puhunan dala ng liberalisasyon ng ekonomya? Ang nakita ng mamamayan ay ang pagguho ng lokal na industriya at agrikultura sa tulak ng kumpetisyon ng mas murang produkto at monopolyong kapital galing sa ibayong dagat. Daan-daang libong manggagawa ang tinatapon sa lansangan bunga ng pagsasara ng dalawang libong pabrika bawat taon. Samantalang binabarat ang sahod at benepisyo ng lahat ng manggagawa, kahit ang mga regular, dahil sa paglobo ng milyun-milyong kontraktwal at kaswal.

Nasaan na ang pagmura ng presyo ng mga produkto at serbisyo dala ng deregulasyon at pribatisasyon ng susing mga industriya? Ang naramdaman ng mamamayan ay ang walang tigil na pagsirit ng presyo ng langis, tubig, kuryente at iba pang bilihin dahil sa monopolyong kontrol ng mga multinasyunal at proteksyong ipinagkakaloob sa kanila ng kapitalistang gobyerno. Walang dudang ito ang sanhi ng ibayong paglala ng kahirapan at paglaganap ng kagutuman sa bayan. Maaring sabihing natuto nang umangkop ang mga Pilipino sa daantaong kahirapan pero uubra pa ba ang diskarte kung ang problema na ang ang pagkukunan ng almusal, tanghalian, at hapunan.

Noon - sa gitna ng guho ng sosyalismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa, at kabiguan ng armadong pakikibaka sa atrasadong mga bayan - hambog na idineklara ng mga propeta ng globalisasyon na "tapos na ang kasaysayan" at habambuhay nang mananaig ang kapitalismo sa daigdig.

Ngayon - sa harap ng pagsiklab ng pandaigdigang resesyong nakaambang sumambulat sa depresyon, pagpihit ng imperyalistang mga bansa sa pangunguna ng Amerika sa tahasang pandirigma at pananakop, at paglakas ng internasyunal na kilusang anti-globalisasyon - namumuno ang sitwasyon para sa tagumpay ng bagong sosyalistang rebolusyon hindi lamang sa atrasadong mga bayan kundi sa abanteng mga bansa.

Bumibilis ang kumpas ng mga pangyayari. Muling pumuputok ang mga pangkalahatang welga ng manggagawa sa mga bansa sa Europa. Hindi makalarga ang ibayong liberalisasyon ng mga ekonomya mula nang bulabugin ang WTO noong 1999 sa Battle in Seattle. Parang domino na bumabagsak ang ulo ng mga presidenteng maka-globalisasyon. Samantala, naglalagablab ang rebolusyong Bolivarian sa Venezuela na nagsisilbing rebelyon laban sa imperyalistang globalisasyon at gera.

Kahit dito sa Pilipinas, mabilis na nalalantad ang kabulukan ng umiiral na sistema sa pagsambulat ng krisis pampulitika mula rehimeng Estrada, Macapagal-Arroyo hanggang rehimeng Noynoy Aquino. Ang krisis pampulitika ng reaksyunaryong estado ay sumasanib sa krisis pang-ekonomyang dulot ng imperyalistang globalisasyon at nahihinog ang krisis-panlipunan na dapat samantalahin para isulong ang rebolusyonaryong pagbabago sa ating bayan.

Walang ibang maaasahang pwersa para pangunahan ang pakikibaka ng sambayanan para sa tunay na pagbabago kundi ang manggagawang Pilipino. Tanging ang pakikibaka ng uring manggagawa at pangunguna sa laban ng bayan ang babasag sa anumang demoralisasyon ng mamamayan dulot ng kabiguan ng unang tatlong pag-aalsang Edsa.

Para makatindig ang proletaryado sa pampulitikang pakikibaka, mapamunuan ang laban ng bayan para sa panlipunang pagbabago at maisulong ang laban ng uri sa pagpapabagsak ng kapitalismo, kailangang maging mulat ang masang manggagawa sa kanyang kalagayan sa lipunan, sa kanyang makauring interes, sa kanyang relasyon sa iba pang inaapi at sa kanyang maisyon sa kasaysayan.

Ito ang layunin ng Landas ng Uri.

Iniaalay ang bagong edisyon ng Landas ng Uri sa bagong henerasyon ng manggagawang Pilipino, sa bagong pwersa ng hukbong mapagpalaya.

Disyembre 2010




Mga Nilalaman

Iisang Kalagayan, Iisang Kapalaran

Dalawang Uri sa Lipunan, Dalawang Interes sa Buhay

Iisang Uri, Iisang Landas

Hamon ng Kasaysayan, Misyon ng Uri

Landas ng Bayan, Landas ng Uri




I

IISANG KALAGAYAN
IISANG KAPALARAN

Tinatagurian silang mga bayaning di kilala. Sila ang walang sawang nagtatrabaho at bumubuhay sa bayan subalit di nasusuklian ng kaginhawahan at pagpupugay ang kanilang pagpupunyagi.

Tuwing Mayo Uno, binubusog sila ng talumpati't parangal ng mga opisyal ng gobyerno at maykaya sa buhay. Pupurihin sila isang beses kada taon at kalilimutan sa nalalabing mga araw.

Araw-araw ay nagpapatulo sila ng pawis upang likhain ang mga pangangailangan ng sambayanan. Ang kanilang mga kamay ang humuhubog sa mga produkto ng industriya. Ang kanilang bisig ang nagpapatakbo ng mga makina ng ekonomya. Ang mga produktong likha ng kanilang lakas-paggawa ang bumubuhay sa lipunan.

Tinatawag silang obrero, trabahadora't trabahador, empleyado't empleyada, OFW. Sila ang mga manggagawang Pilipino.

Ang mga manggagawa ay napag-iiba sa pangkalahatang klase ng okupasyon o tipo ng gawain. Nahahati sila sa iba't ibang saray: mga manggagawang industriyal, mga manggagawa sa serbisyo, mga manggagawang agrikultural at ang reserbang hukbo ng paggawa.

Matatagpuan ang mga manggagawang industriyal sa linya ng manupaktura, konstruksyon, pagmimina, transportasyon, komunikasyon, paglikha ng elektrisidad, gas at tubig. Ang konsentrasyon nila ay nasa malalaking syudad, regional industrial center, special economic zone at export processing zone. Isang bahagi ng saray ay nagtatrabaho sa malalaking pagawaan, mga pabrikang lagpas 500 trabahadora't trabahador. Ang higit na nakararami ay nasa maliliit na empresa, na kung minsan pa ay ilegal - walang permit na mag-operate, mga sweatshop na di sumusunod sa mga regulasyon sa paggawa. Bumibilang ang mga manggagawang industriyal ng halos lima't kalahating milyon. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Namamasukan ang mga manggagawa sa serbisyo sa mga empresang nagbibigay ng serbisyo, o serbisyo ang maituturing na produkto. Kabilang sa kanila ang saleslady sa mga tindahan, crew sa mga restoran, guro sa mga pampubliko at pribadong paaralan, nars ng mga ospital, klerk sa mga opisina at empleyado't empleyada ng gobyerno. Gaya rin ng mga manggagawang industriyal, mas marami sa kanila ay nasa mga empresang maliliit, subalitr may seksyon na konsentrado tulad ng mga nagtatrabaho sa malalaking hotel, department store, paaralan at opisina. Bumibilang ang mga manggagawa sa serbisyo ng halos walong milyon. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Ang mga manggagawang agrikultural ay makikita sa mga bukid, plantasyon at palaisdaan. Bahagi din nila ang mga nagtotroso ng kahoy sa gubat. Mahigit dalawa't kalahating milyon ang manggagawang agrikultural na regular na nabubuhay sa pamamagitan ng sahod. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Ang higit na nakararaming manggagawa ay hindi nabubuhay sa pagtanggap ng sahod kapalit ng pagtatrabaho. Sila ang reserbang hukbo ng paggawa na walang tiyak na hanapbuhay at mapagkakakitaan. Sila ang mga mala-manggagawa, na sapagkat walang regular na trabaho, ay pumapasok sa kung anu-anong tipo ng gawain upang makaraos sa araw-araw. Sila ang mga tagalako sa kalye, estibador sa palengke, de-boundary na drayber ng dyip, maging magbobote-dyaryo at tagahukay ng basura sa kalunsuran.

Sa kanayunan, ang mga mala-manggagawa ay bumibilang ng walo't kalahating milyon. Sila ang pana-panahon at di-permanenteng manggagawang bukid, tulad ng mga sakada, na tumatawid pa ng probinsya sa paghahanap ng mga sakahang pansamantalang nangangailangan ng magtatanim, gagapas o aani. Sila rin ang mga maralitang magsasaka na di kayang mabuhay sa kakaunting ani mula sa makitid at di-produktibong lupa kaya't nagpapaupa ng lakas-paggawa sa mayayamang magbubukid o mga asendero. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Ang mga mala-manggagawa ang may pinakamalalang kalagayang pang-ekonomya, ang lubhang walang katiyakan sa ikabubuhay. Sa panahong masigla ang negosyo, may papalarin sa kanilang makapasok bilang manggagawang regular. Sa panahong hupa ang ekonomya, sila ang natatanggal sa trabaho at muling aasa sa sariling abilidad para mabuhay.

Umaabot sa mahigit 16 na milyon ang regular na sumasahod at sumusweldong mga manggagawa sa mga pabrika, empresa, opisina, plantasyon at sakahan. Lagpas sa 10 milyon sa kanila ay lalaki habang anim na milyon ang babae. Kalakhan sa natitirang 19.55 milyong pwersa ng paggawa noong 2005 (ang bilang ng populasyong maaaring pumasok sa produktibong trabaho) ay mga mala-manggagawa. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]1

______________
1 Maliit na minorya sa 19.55 milyong hindi nabubuhay sa sahod ay mga kapitalista, asendero, maliit na negosyante at propesyunal. Mahigit 8.5 milyon sa kanila ang matatagpuan sa agrikultura at nahahati sa mayaman, panggitna at mahirap na magsasaka. Higit sa 4 milyon ang nasa wholesale at retail trade. May 4 milyon din ang walang trabaho.

Nasa iba't ibang linya man ng paggawa, may samu't sari mang trabaho, lahat sila ay manggagawa. Lahat sila ay nagbebenta ng kanilang abilidad at kakayahang gumawa, ng kanilang lakas-paggawa kapalit ng sahod upang mabuhay. Iisa ang kanilang papel sa produksyon - ang aktwal na patakbuhin ang mga pagawaan, empresa, opisina at sakahang lumilikha ng mga produkto at nagbibigay ng mga serbisyong kinakailangan ng lipunan. Bumubuo sila ng isang uri sa lipunan.

Iisa ang kanilang kalagayan sa lipunan, iisa ang kanilang kapalaran sa buhay - ang maghirap, ang maging api.

Kadalasa'y kulang ang sinasahod ng mga manggagawa upang buhayin ang kanilang pamilya. Sa taong 2005, ang minimum na sahod ng manggagawa sa NCR ay nasa P8,450 sa bawat buwan o P325 kada araw (kasama ang cost-of-living allowance subalit hindi pa kasama ang arawang halaga ng 13th month pay). Habang ang tinatayang batayang pangangailangan ng isang pamilya na binubuo ng anim na myembro ay nagkakahalaga ng P746 kada araw. [National Wages and Productivity Commission (NWPC), March 2006]

At higit sa lahat ay tumatanggap ng pangkaraniwang sahod na ito. Noong 2002, habang may "mapapalad" na nag-uuwi ng kulang-kulang sa P8,000, gaya ng mga manggagawa sa garments at textile, may tumatanggap lamang ng P6,233, tulad ng mga pahinante at kargador sa cargo industry. [Occupational Wages Survey, BLES, June 2002]

Ang nakabababang seksyon ng mga manggagawang regular at ang kabuuan ng mga mala-manggagawa, kasama ang mga maralitang magsasaka sa kanayunan na nakikisaka lamang sa lupa ng iba, ang bumubuo sa 30% ng populasyon, o mahigit 24 milyong Pilipino, na nabubuhay sa ilalim ng poverty line noong 2003. Ibig sabihin, kulang ang kanilang kinikita para ipantustos sa mga esensyal na pangangailangan - pagkain, damit at pabahay. Sila ay nagtitiis sa di makataong pamumuhay. Ang poverty line o kinakailangang gastusin para matustusan ng isang tao ang batayang mga pangangailangan ay diumano nagkakahalaga lamang ng P11,451 sa isang taon. [Regional poverty estimates, National Statistics Coordination Board (NCSB0, 2003]

Sa 24 milyong nasa ilalim ng poverty line, substansyal na bilang ang nasa ganap na kadusta-dustang kalagayan o absolutong kahirapan sapagkat hindi nila nakukuha ang sustansyang kinakailangan ng katawan sa bawat araw. Ang food threshold o ang kinakailangang gastusin para sa sapat na nutrisyon ng isang tao ay P8,134 sa isang taon. [Regional poverty estimates, National Statistics Coordination Board (NCSB), 2003]

Subalit ang eksaktong larawan ng kahirapan ay hindi pa ang mga opisyal na datos ng gobyerno kundi ang mismong pananaw ng mamamayan sa kanilang kalagayan. Sa taong 2005, 57% ng populasyon ang itinuturing ang sarili bilang "mahirap". Mula Marso hanggang Mayo 2005, 12% ng pamilyang Pilipino ang nagsabing nakaranas sila ng gutom o kawalan ng makakain. Katumbas ito ng dalawang milyon mula sa 16.6 milyong pamilyang Pilipino. At palala ito. Pagdating ng Marso 2006, 16.9% sa mga Pilipino ang gutom, katumbas ng 2.8 milyong pamilya. [Social Weather Station, SWS Survey 2nd quarter 2005; SWS Survey March 2006]

Ito ay sa kabila ng katotohanang aktwal na ibinababa ng mga maralita ang kanilang mababa nang standard of living! Sang-ayon sa survey, ang itinuturing na mahihirap na kitang sapat para umalpas sa kahirapan ay P10,000 sa Metro Manila, P7,000 sa Luzon, P6,000 sa Visayas at P5,000 sa Mindanao. Subalit ito na ang sinasabi ng masa na poverty threshold limang taon na ang nakararaan subalit mula noon ay tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaya't ang kongklusyon ng survey ay sadyang ibinababa ng mahihirap ang kanilang standard of living at ito ay isang paraan nila upang umangkop sa krisis pang-ekonomya. [Social Weather Station, SWS Survey 2nd quarter 2005]

Pabagsak ang kabuhayan ng lahat ng manggagawa. Ang P300 na minimum na arawang pasahod sa Metro Manila noong Enero 2005 ay nagkakahalaga na lamang ng P237 kung ikukumpara sa mabibili noong 2000. Ibig sabihin, tumataas ang presyo ng mga bilihin kaya't ang piso noong 2000 ay nagkakahalaga ng 79 sentimos na lamang noong Enero 2005. Kaya't bumagsak ang halaga ng sahod sa loob ng 5 taon. Hindi nakakahabol sa umaarangkadang presyo ng mga bilihin ang sahod na itinatakda ng batas at maging ang umentong naipapanalo sa mga collective bargaining. Tumataas ang sweldo pero lumiliit ang tunay na halaga nito, kumokonto ang mga pangangailangang mabibili nito. [BLES, January 2005]

Noong 1985, pinaghatian ng 80% ng kabuuang populasyon, na ang bulto ay binubuo ng manggagawa, ang 53% ng yaman ng bayan. Matapos ang halos dalawang dekada, noong 2003, pumaparte na lamang sila sa 46.9% na kita ng lipunan. [Family Income and Expenditures Survey, National Statistics Office]

Kaya't kung anu-anong diskarte ang pinapasok ng mga manggagawa para lamang makaraos. Magkandakuba sila sa pago-overtime kundi man sa pagsa-sideline. Ang asawa nila ay umeekstra rin para may ipandagdag sa kakainin. Ang mga anak nila ay napipilitang tumigil sa pag-aaral at sumabak sa trabaho sa murang gulang. Mahigit 4 milyong bata ang nagtatrabaho para kumita - bilang tagalinis o tagabantay ng sasakyan, katulong, yaya, maging tagagawa ng paputok, uling at pigurin. [Survey on Children, NSO, 2001] Paparami naman ang minamabuti pang kumapit sa patalim, napipilitang magnakaw ng pera o magbenta ng laman, kaysa tuluyang magutom sa lansangan.

Papalaki ang hukbo ng mga walang trabaho. Sang-ayon sa mismo datos ng gobyerno, noong Enero 2005, walang trabaho ang 11.3% ng kabuuang pwersang paggawa, bukod pa sa 16.1% na tinatawag nilang underemployed (may pinagkakakitaan subalit nais pa ng dagdag na trabaho). Ang tunay na tantos ng kawalang hanapbuhay ay nasa pagsusuma ng dalawang datos na ito, ibig sabihin isa sa bawat apat na Pilipino ang totoong walang hanapbuhay. [Labor Force Survey, BLES, January 2005]

Maging ang kasalukuyang may trabaho ay nanganganib na mapabilang sa hukbo ng walang hanapbuhay. Libu-libo ang itinatapong parang basahan ng mga kompanyang nagsasara o nagbabawas ng empleyado gaya ng garments at textile dahil hindi makasabay sa mas maigting na pandaigdigang kompetisyon. Nauuso ang subcontracting, contractualization, casualization at iba pang labor flexibility scheme. Mahigit 300,000 manggagawa mula sa 24,533 empresa ang "agency-hired". Unti-unting nawawasak ang kaunting seguridad sa sahod, benepisyo at trabaho ng mga regular na empleyado. [BLES, June 2003]

Nagtatrabaho ang mga manggagawa sa ilalim ng masasahol na kondisyon sa paggawa. Hindi sapat ang bentilasyon ng mga planta para sa sangkaterbang manggagawa at maiinit na makina kaya nagmimistulang mga kalderong nasa apoy ang mga pabrika. Ipinagbabawal ng mga bisor, na parang aso kung magbantay, ang mamahinga man lamang ng sandali ang manggagawa o ang paulit-ulit na pagpunta sa palikuran. Sa mga pagawaan ng garments, buong maghapong nakatayo ang mga nasa linya ng pagpaplantsa. Noong 2002, 21,779 kaso ng aksidente ang naitala sa mga pabrika. Mahigit anim na daang aksidente ang nauwi sa pagkamatay ng manggagawa at permanenteng pagkatanggal sa trabaho. Maliban sa subcontracting, ito ang pangunahing sanhi ng retrenchment. Hindi pa kasama rito ang mga nagkakasakit o namamatay. [BLES Integrated Survey, 2002]

Makitid ang proteksyong nakukuha ng mga manggagawa mula sa batas paggawa. Noong Enero hanggang Hunyo 2002, lagpas sa 70% ang mga paglabag sa iba't ibang regulasyong nagbibigay proteksyon sa manggagawa: 78% sa Metro Manila, 83% sa Southern Tagalog at 98% sa Bicol region. [Survey on labor standards, 2002, DOLE] Sa bawat sampung empresa, anim hanggang pito ang nagpapasahod ng mas mababa sa itinatakdang minimum wage. [Country report on human rights practices, US State Department, 2004]

Sa lahat ng karapatang naipagwagi ng manggagawa na kinikilala sa batas, ang lubos na ipinagkakait ay ang kalayaang magwelga. Noong 2004, 558 unyon ang nag-file ng notice of strike subalit 25 lamang dito ay humantong sa welga. Walang ibang dahilan nito kundi ang panggigipit ng mga kapitalista laban sa mga manggagawang nagbabalak na magwelga. Ito ay nagagawa nila, pangunahin, sa tulong ng "assumption of jurisdiction" ng Secretary of Labor na agad nag-uutos sa manggagawa na bumalik sa trabaho bilang sagot sa kanilang "notice of strike". [DOLE, 2005]

Habang pormal na kinikilala ng batas ang karapatan sa pag-uunyon at pagwewelga, nililimitahan naman ito ng napakaraming rekisito. Sa nakasampang Amendatory Bill ng Labor Code sa Kongreso, dadagdagan pa ang mag restriksyon kaya't lubhang magiging mahirap para sa manggagawa ang magtayo ng unyon at maglunsad ng welga upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.

Wala na ngang yaman, ang mga manggagawa'y wala pa ring kapangyarihan. Kakaunti na nga ang proteksyong kanilang tinatamasa pero ang mismong mga batas ay tadtad pa ng butas.

Ang kawalan ng matinong trabaho at nakabubuhay na pasahod ang pinag-uugatan ng malawakang paglikas ng mga manggagawang Pilipino. Mahirap masukat pero tiyak na grabe ang social costs na dala ng pangingibang-bayan ng lagpas walong milyong Pilipino. Malaking sakripisyo para sa mga manggagawang Pilipino ang iwan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas habang nagtitiis sila sa trabahong walang proteksyon mula sa sarili nating gobyerno at sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Samantalang negatibo ang epekto sa pagpapaunlad ng Pilipinas ng tinatawag na brain drain at pagkawala ng milyun-milyong skilled at professional workers.

Ineenganyo ng gobyerno ang paglikas ng mga manggagawa bilang paraan ng paglikha ng trabaho pero iniiwan sa kamay ng pribadong recruitment at placement agencies ang pagpapadala ng mga manggagawa kaya naman naglipana ang illegal recruiters at nagtataasan ang placement fees. Matapos makakuha ng trabaho sa ibang bansa ay hindi naman makaasa ng matinong tulong ang mga OFW sa mga embahada ng Pilipinas dahil hindi nila prayoridad ang proteksyon at serbisyo sa kanila. Hindi rin iginigiit ng gobyerno sa internasyunal at bilateral agreements ang karapatan at kapakanan ng mga OFW. Hindi nakagugulat na tuluy-tuloy na dumarating ang mga bangkay ng mga OFW, dumarami ang bilang ng nakakulong sa ibang bansa at libu-libo ang bumabalik sa Pilipinas matapos abusuhin at linlangin ng kanilang dayuhang employers.

Magsingdami ang lalaki at babae na nasa edad 15 hanggang 65, parehong 27 milyon, subalit 14 milyong babae lamang ang pasok sa pwersang paggawa habang 22 milyon naman ang mga lalaki. Malinaw na bunga ito ng diskriminasyon laban sa kababaihan at pagkabahura ng mga babae sa gawaing bahay na hindi itinuturing ng kasalukuyang lipunan na bahagi ng produktibong paggawa. [Regional Labor Force Statistics on Women and Young Workers, October 2004]

Sa manipuladong datos ng gobyerno, mas marami ang mga lalaki kaysa babae na unemployed at underemployed. Kabaliktaran ito ng realidad. Ito ay makikita sa datos na 50% lamang ng kababaihang nasa edad at may kakayahang magtrabaho ang pasok sa kwenta ng pwersang paggawa ng bansa samantalang 83% ng kalalakihan ang kasama sa itinuturing na labor force. [Regional Labor Force Statistics on Women and Young Workers, October 2004]

Ang mga problema ng manggagawa sa pangkalahatan ay problema rin ng manggagawang kababaihan. Halimbawa, papalaki ang bilang ng mga babae na kontraktwal at kaswal. Dumarami din ang bilang ng mga babaeng OFW at nagiging bulnerable sa mga abuso. Sa loob ng huling dekada, mula sa 58% noong 1995 ay lumobo sa 73% nitong 2004 ang mga babae sa kabuuang bilang ng bagong land-based workers.

Subalit bukod dito, mayroon silang partikular na mga usapin at prinsipal dito ang diskriminasyon sa trabaho. Habang halos magsinglaki na ang bilang ng mga manggagawang babae at lalaki sa manupaktura, patunay ng patuloy na paghigop ng papalaking bilang ng mga babae sa pagawaan, may mga partikular na linya ng trabaho pa rin na minorya ang kababaihan. Sa konstruksyon, isang babae lamang sa bawat 61 manggagawa. Sa transportasyon, isang babae sa bawat 19. Sa pagmimina, isang babae sa bawat 12. Sa kanayunan, isang babae sa bawat 16 mangingisda at isang babae sa bawat apat na magsasaka. [National Statistics Office, October 2004]

Ang kabilang mukha naman ng diskriminasyon laban sa mga babae ay ang pagiging mayorya ng kababaihan sa ibang linya ng industriya. Tatlo sa bawat apat na titser at nars ang babae. Habang apat sa bawat limang katulong ang babae. [National Statistics Office, October 2004]

Habang nakalugmok sa kahirapan ang mga manggagawa ay nagtatampisaw sa karangyaan ang mga kapitalista. Ang papel ng mga kapitalista ay bumili ng lakas-paggawa ng manggagawa. Obligado namang magbenta ng lakas-paggawa ang mga manggagawa sapagkat pag-aari ng mga kapitalista ang mga pagawaan, empresa at plantasyon. Sa batayan ng pag-aari ng mga kapitalista sa mga kagamitan sa produksyon, humuhuthot sila ng napakalaking tubo.

Nakatira sila sa malalaking bahay sa eksklusibong mga subdibisyon ng Metro Manila. Sila ang pinagsisilbihan ng kung ilang katulong na nagtitiyak na walang dumi ang kanilang mamahaling muwebles at appliances, malinis ang magagarang damit at nasa magandang kondisyon ang mga bagong modelong kotse sa garahe. Ang kanilang mga anak ay nag-aaral sa ekslusibo ring mga paaralan - mula kinder hanggang kolehiyo. Mga first-class na resort at 5-star hotel ang palipasan nila ng oras. Banyaga sa kanila ang kagutuman. Katunayan ang alaga nilang mga aso at pusa ay mas masarap at mas masustansya pa ang kinakain kaysa mga manggagawa.

Hindi sumasakit ang kanilang ulo sa paghahanap ng ipangtutustos sa pamilya. Walang kaba sa kanilang dibdib na magugutom ang mga anak. Ang problema pa nila ay kung paano palalaguin ang kanilang negosyo, kung paano palalakihin pa ang kanilang tinutubo. Sila ang nasa tuktok ng tatsulok ng lipunan na bumubuo ng 20% ng populasyon noong 2003. Hawak nila ang 53% ng yaman ng bayan. [Family Income and Expenditures Survey, NSO 2003]

Sila ang iginagalang at pinagpipitagan sa lipunan gayong ang mga kamay ng marami sa kanila ay nababahiran ng dungis ng katiwalian at kriminalidad, ng dumi ng paglabag sa mga batas paggawa at pang-aabuso sa mga manggagawa. Nakatipon sila sa mga samahang pang-negosyo tulad ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), American Chamber of Commerce, Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Makati Business Club (MBC), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), atbp., na regular na kinokonsulta ng gobyerno tuwing magbabalangkas ito ng mga batas at patakaran.

Iba't iba man ang laki ng yaman at linya ng negosyo, lahat sila ay kapitalista. Iisa ang kanilang papel sa produksyon - ang ariin ang mga pagawaan, empresa at plantasyon, at bilhin ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Bumubuo sila ng isang uri sa lipunan.

Ito ang kontradiksyon ng buhay: kung sinong nagpapawis at bumubuhay sa bayan ay siyang nagdarahop at inaapi, habang kung sinong hindi nagtatrabaho ay siyang nakaririwasa at tinitingala sa lipunan. Isa itong katotohanan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa lahat ng bansa, sa buong daigdig.

Maging sa abanteng mga bansa, may mahihirap at mayayaman, may mga manggagawa at kapitalista na magkakaiba ang kalagayan sa buhay at papel sa produksyon. Habang mas maginhawa ang kabuhayan ng mga manggagawa sa abanteng mga bansa, higit rin namang mas mayaman at makapangyarihan ang kanilang mga kapitalista. Katunayan ang pinakamalaking mga kapitalista sa mga bayang ito ay nagtatayo pa ng mga sangay ng kanilang mga negosyo sa iba't ibang bansa, bukod sa pagbebenta ng kanilang mga produkto sa ibayong dagat.

Noong 1960, 2.3% ng pandaigdigang kita ang napunta sa pinakamahirap na 20% ng sangkatauhan habang 70.2% nito ang inangkin ng pinakamayamang 20% ng tao sa mundo. [1996 Report, United Nations Development Program] Noong 1998, lumiit sa 1.2% ang pinaghahatian ng 20% na pinakamahirap na tao samantalang lumobo sa 89% ang napupunta sa pinakamayamang 20% [International Herald Tribune, 1999/02/05]. Ang pag-aari ng 200 sa pinakamayamang tao ay katumbas ng pinagsamang kita ng 2.46 bilyon katao o 41% ng mamamayan ng daigdig. [UNDP, 1999]

Sa United States na pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig, ang 1% ng yaman ay pinagpapartehan ng 80% ng populasyon habang ang natitirang 99% ng yaman ay nasa kamay ng 20% ng pinakamayamang Amerikano. [Aralin sa Kahirapan]

Bagamat mas mataas ang sweldo ng mga manggagawa sa Amerika kumpara sa ibang bansa, ang kanilang kita ay hindi sapat para sa kanilang batayang pangangailangan. Ang minimum na sweldo ay nasa $5.15 kada oras. Subalit ang upa sa isang apartment na may dalawang kwarto kasama ang singil sa tubig at kuryente ay nagkakahalaga ng $15.37 kada oras - halos tatlong ulit na mas malaki ang sweldo, ayon sa National Low Income Housing Coalition ng Amerika.

At habang kinakapos ang minimum na sweldo sa Amerika, sumisirit naman ang kita ng mga Chief Executive Officer (CEO) ng dambuhalang mga korporasyon. Noong 1980, ang ibinabayad sa mga CEO ay 40 beses na mas malaki sa karaniwang sweldo sa Amerika. Noong 1997, ito ay 280 beses na ng ordinaryong sinasahod ng manggagawang Amerikano. Nahahati ang lipunan sa dalawang uring may magkaibang katayuan sa buhay - manggagawa at kapitalista. Ang lahat ng manggagawa sa buong mundo, anuman ang pagkakaiba sa kalagayan at pamumuhay, ay pare-parehong nagbebenta ng lakas-paggawa at pare-parehong naghihirap at inaapi.#

Table 1: Di pantay na Distribusyon ng Yaman sa mga Piling Bansa sa Latin Amerika

Bansa Pinakamahirap na 20% Pinakamayamang 20%
Uruguay 5.0% (ng yaman ng bansa) 48.7% (ng yaman ng bansa)
Costa Rica 4.3 50.6
Peru 4.4 51.3
Ecuador 2.3 59.6
Brazil 2.5 63.4
Paraguay 2.3 62.3
Source: ADB 1998, UNDP 1999

II

DALAWANG URI SA LIPUNAN
DALAWANG INTERES SA BUHAY

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento