Linggo, Oktubre 4, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 2

II

DALAWANG URI SA LIPUNAN
DALAWANG INTERES SA BUHAY

Matatagpuan ng kapitalista at manggagawa ang kanilang mga sarili sa magkabilang dulo ng kasalukuyang lipunan. Di lamang sila nasa magkabilang dulo ng lipunan kundi sila ay nasa magkabilang dulo ng lipunan kundi sila ay nasa magkabilang dulo ng isang relasyon: nagtatrabaho ang manggagawa para sa kapitalista, inuupahan ng kapitalista ang lakas-paggawa ng manggagawa.

Nangangailangan ang manggagawa ng trabaho upang may ipambili ng kanyang ikabubuhay. Nangangailangan naman ang kapitalista ng mga trabahador na lilikha ng mga produkto ng kanyang negosyo.

Inoobliga silang mag-ugnayan ng ganap na magkaiba nilang panlipunang kalagayan: ang kapitalista ay may pag-aaring yaman habang ang manggagawa ay wala. Itinutulak silang magtagpo ng pangyayaring nahahati ang kasalukuyang lipunan sa uring manggagawa na walang pagmamay-ari kundi lakas-paggawa at sa uring kapitalista na nagmamay-ari ng lahat ng mga sangkap at kagamitan sa produksyon.

Hawak ng mga kapitalista, bukod sa salaping kapital, ang mga murang materyales, makinarya, gusali at iba pang sangkap sa produksyon, ang lahat ng kinakailangan sa paglikha maliban sa lakas-paggawa.

Ang isa ay nabubuhay sa kanyang pag-aari habang ang kabila ay nabubuhay sa kanyang pagtatrabaho. Ang nagpapaandar ng mga makina ay di siyang nagmamay-ari nito habang ang nagmamay-ari ng makina ay di siyang nagpapaandar nito.

Ganyan ang takbo ng buhay sa lipunang ito, sa sistemang tinatawag na kapitalismo.

Nakikipagkontrata ang manggagawa sa kapitalista. Sa simpleng pagtingin, isa itong malayang pagkilos sa bahagi ng manggagawa. Malaya sapagkat walang pwersang nagtutulak sa manggagawang mamasukan sa kapitalista - kundi ang pangangailangang makakuha ng sahod, ng salaping ipambibili ng ikabubuhay.

Ayon sa kanilang kontrata, magtatrabaho ang manggagawa para sa kapitalista sa isang takdang panahon at babayaran ng kapitalista ang manggagawa ng sahod. Ibebenta ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa, ang kanyang kakayahang gumawa. Bibilhin ng kapitalista ang lakas-paggawang ito para gamitin sa isang takdang panahon. Ang sahod kung gayon ay ang presyo ng lakas-paggawa.

Paano naitatakda ang sahod? Isang bagay na laging pinagtatalunan ng manggagawa at kapitalista.

Ang kasagutan sa tanong na ito ay di lamang maglilinaw sa tunay na kalikasan ng sahod kundi maglalantad rin ng esensya ng relasyon ng manggagawa at kapitalista.

Ipinagbibili ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng sahod. Tulad ng ibang mga bagay sa lipunang kapitalista gaya ng pagkain o damit, ang lakas-paggawa ay isang kalakal. Ito ay binebenta at binibili. Ito ay may katapat na presyo.

Ipagpalagay na may manggagawang sumasahod ng P320 sa isang araw, halos kapantay ng minimum na sahod sa Metro Manila sa taong 2005. Sa presyo ng mga bilihin sa taong 2005, ang P320 ay halaga rin ng 16 kilo ng bigas, ng 2¼ kilong baboy o ng 1 pirasong polo shirt. O sa isang pagtingin, ang lakas-paggawa ng manggagawa ay kasinghalaga ng 16 kilong bigas, 2¼ kilong baboy o ng 1 polo shirt. Maaring kwentahin ang halaga ng lakas-paggawa hindi lamang sa kung ilang piso ang kapalit nito kundi kung ilang kilong pagkain o ilang pirasong damit ang katumbas nito.

Lahat ng kalakal ay may halaga. Ang halaga ng isang kalakal, kumpara sa isa pang kalakal, ay ang dami ng unang kalakal para maipagpalit sa ikalawang kalakal. Ang halaga ay ang proporsyonal na kantidad sa palitan. Kaya't ang isang pirasong polo shirt ay may halagang 2¼ kilong baboy. May halaga rin itong 16 kilong bigas. At ang isang kilong baboy ay may halagang humigit-kumulang 7 kilong bigas.

Lahat ng kalakal ay may halaga, may depenidong kantidad ng palitan sa iba pang mga kalakal.

Upang mas maunawaan natin ang lihim ng kapitalistang pagsasamantala suriin natin ang bagay na bumubuhay sa kapitalismo - ang kalakal.

Ano ang nagtatakda ng halaga ng mga kalakal?

Upang makwenta ang halaga ng mga kalakal, upang mabilang ang depinidong proporsyon sa palitan iba pang kalakal, kinakailangang may pamantayan. Ang pamantayang ito ay isang komon na bagay na nilalaman ng lahat ng kalakal kung saan maipaghahambing ang mga kalakal. Ang komon na bagay na ito ay nilalaman ng lahat ng kalakal subalit nag-iiba ang dami, laki o proporsyon sa bawat kalakal dahilan upang mag-iba ang kani-kanilang halaga.

Ang pamantayang ito ay hindi maaaring natural na sangkap ng mga kalakal sapagkat malinaw na magkakaiba ang kalikasan ng mga kalakal. Hindi rin ito maaring batay sa gamit ng mga kalakal dahil ang isang kalakal ay may tiyak na halaga sa bentahan gayong samu't sari ang partikular na gamit nito para sa mga bumibili.

Lahat ng kalakal ay nilapatan ng paggawa. Ito ay isang bagay na komon sa kanilang lahat at maaring gamiting pamantayan.

Lahat ng kalakal ay dumaan sa kamay ng manggagawa at naglalaman ng paggawa. Lahat ng kalakal ay naglalaman ng paggawa gayong nag-iiba sa kantidad nito, nag-iiba ang mga kalakal sa laki o liit ng paggawang nilalaman.

Paano kinukwenta ang kantidad ng paggawang nilalaman ng mga kalakal?

Kung ituturing muna na magkapareho ang lahat ng tipo ng paggawa - paggawa man ng mananahi, makinista, latero o karpintero - nag-iiba lamang ang paglikha ng mga kalakal sa tagal o bilis ng pagkakagawa. Samakatwid nabibilang ang kantidad ng paggawa sa oras ng paggawa para likhain ang kalakal. Halimbawa, ang isang pantalong tinahi sa loob ng 2 oras ay doble ang kantidad ng paggawang nilalaman kaysa isang polo shirt na ginawa lamang sa loob ng 1 oras.

Subalit hindi naman talaga pare-pareho ang tipo ng paggawa sapagkat may simpleng paggawa at may kumplikadong paggawa, na magkakaiba sa intensidad at kalidad. Upang kwentahin ang kantidad ng paggawa, ang mas kumplikadong paggawa ay maaaring itumbas sa mas maraming oras ng mas simpleng paggawa.

Ang halaga ng mga kalakal, kung gayon, ay itinatakda ng kantidad ng pangkaraniwang paggawa na nilalaman ng mga ito, ng oras ng paggawa para likhain ang mga ito.

Ang isang kalakal na ginawa sa loob ng maikling panahon ay maliit na halaga habang ang isa namang nilikha sa mahabang panahon ay malaki ang halaga. Magkatumbas ang halaga ng dalawang kalakal na tinapos sa magkaparehong oras. Ang pantalong tinahi sa 2 oras ay doble ang halaga sa polo shirt na ginawa sa 1 oras, kaya't ang isang pantalon ay maipagpapalit sa dalawang polo shirt.

Upang kwentahin ang kabuuang halaga ng isang kalakal, hindi lamang dapat bilangin ang pinakahuling paggawa na nilapat nito. Halimbawa, ang 1 oras na kinakailangan upang likhain ang isang pirasong polo shirt ay maituturing na pinakahuli o bagong halaga. Subalit ang polo shirt ay natahi gamit ang tela, na naglalaman ng paggawa ng mga manggagawa ng tela. At ang polo shirt ay dumaan sa makina, na nilapatan din ng paggawa ng mga manggagawa ng makinarya. Ang nakaraang paggawang ito ay nagdadagdag ng halaga sa polo shirt.

Isang bahagi ng halaga ng kalakal ay nagmula sa nakaraang paggawang nilapat sa mga murang materyales, makinarya, kagamitan, gusali, panggatong at iba pang sangkap sa produksyon. Ang nakaimbak na lumang halaga ay naisasalin sa kalakal sa proseso ng produksyon. Ang halaga ng murang materyales ay buo-buong naililipat sa kalakal habang ang halaga ng mga makinarya ay baha-bahaging naisasalin sang-ayon sa depresasyon nito. Kaya't ang isang polo shirt na ginawa sa loob ng isang oras at nasalinan ng 3 oras na halaga mula sa murang materyales at iba pang sangkap sa produksyon ay may kabuuang halagang 4 oras.

Ang kabuuang halaga ng isang kalakal ay binubuo, kung gayon, ng bagong halaga na nagmula sa pinakahuling paglapat ng paggawa, at lumang halaga na naisalin mula sa mga kagamitan sa produksyon.

Kung ganito ang halaga, ang presyo ay walang iba kundi ang halaga kapag binilang sa peram ang ekspresyon ng halaga sa salapi. Kung ang polo shirt ay may presyong P320 at may kabuuang halagang 4 oras ng paggawa, samakatwid ang isang oras na paggawa ay lumilikha ng yamang nagkakahalaga ng P80.

Ang halaga ng mga kalakal ay nagmumula sa nilapat na paggawa. Samakatwid ang pagpapawis ng manggagawa ang lumilikha ng kayamanan sa daigdig. Ito ang tanging nagluluwal ng halaga sa daigdig at nagmula rito ang lahat ng naipong yaman ng mundo. Mula sa bagong halagang likha ng pinakahuling paggawa hanggang sa lumang halagang naisalin mula sa nakaraang paggawa, lahat ng ito ay nanggaling sa paggawa, iniluwal ng paggamit ng lakas at abilidad ng manggagawa. Ang kabuuang yaman ng daigdig na makikita sa sumada ng halaga ng lahat ng kalakal ay bunga ng pagpapanday ng manggagawa. Kaya't isang kabalintunaan na kung sino ang lumikha ng lahat ng yaman ay siya pa ang walang pag-aaring yaman!

Ang lakas-paggawang ibinebenta ng manggagawa ay may presyo at ang presyong ito ay ang sahod. Kung ang sahod ay presyo ng lakas-paggawa, ang sahod ay ekspresyon sa salapi lamang ng halaga ng lakas-paggawa.

Paano naman naitatakda ang halaga ng lakas-paggawa?

Gaya ng lahat ng kalakal, ang halaga ng lakas-paggawa ay ang kantidad ng paggawa upang ito ay likhain. Ang lakas-paggawa ay umiiral lamang sa mga buhay na indibidwal. "Nalilikha" ang lakas-paggawa sa pamamagitan ng pagsusustena sa buhay ng manggagawa. Samakatwid, ang halaga ng lakas-paggawa ay ang halaga ng mga pangangailangan upang panatilihing buhay ang manggagawa, para imantinang may lakas at kakayahan siyang magtrabaho.

Tinutumbasan ng sahod ang mga pangangailangan sa buhay ng manggagawa - ang kanyang kakainin, ang kanyang isusuot, ang kanyang titirhan, maging ang kaunting bisyo at aliwan niya sa buhay.

Tinutumbasan rin ng sahod ang pagpapalaki ng mga anak ng manggagawa - ang salinlahi ng uring manggagawa. Gaya ng makinang kailangang palitan sapagkat dahan-dahang nawawasak sa paggamit hanggang tuluyang masira, ang manggagawa ay tatanda at mamamatay kaya't kailangang palitan ng isang bagong henerasyong magiging mga bagong manggagawa. Samakatwid, tinatapatan ng sahod ang pangangailangan ng manggagawa at ng kanyang pamilya sa kabuuan.

Hindi lamang kasama sa pagkwenta ng gastos sa buhay ng manggagawa ang gawaing bahay ng mga babae. Hindi itinuturing na produktibong paggawa ng kasalukuyang lipunan ang domestikong trabaho ng babae sapagkat hindi ito saklaw ng kapitalistang pamilihan at kung gayon hindi natutumbasan ng halaga o presyo. Samakatwid, mas mura ang sahod dahil libre ang gawaing bahay at nakakatipid ang kapitalista sa presyo ng lakas-paggawa. Pero kapag nagiging bahagi ng kapitalistang produksyon at kalakalan ang dating gawaing bahay - tulad ng day care at pre-school, laundry service, pagkain sa mga canteen at fastfood - kasama na sa sahod ang gastos para dito. Kung gaano ito nagiging kalakaran sa buhay ng manggagawa, ganun din magiging bahagi na ito ng mga pangangailangan sa buhay at kailangang tumbasan ng sahod.

Dagdag pa, ang lakas-paggawa ay nag-iiba batay sa kasanayan at edukasyon ng manggagawa. Maging ang pagkakaibang ito ay tinutumbasan ng sahod. Ang skilled na obrero ay mas malaki ang sinasahod kaysa unskilled na trabahador kumporme sa mas kumplikadong paglikha ng mas pinong kasanayan.

Sa sumada, ang sahod ay ang halaga, kung kukwentahin sa salapi, ng mga pangangailangan upang likhain, paunlarin, imantina at ipagpatuloy ang lakas-paggawa.

Sa madaling sabi, ang sinweldo kahapon ng manggagawa ay ginagastos niya ngayong araw habang ang sinasahod niya ngayon ay mauubos din kinabukasan. Ang isang araw na sahod ay sapat lamang para buhayin ang manggagawa sa araw ding iyon, sapat para lamang obligahin siyang bumalik kinabukasan upang muling magtrabaho - kung gayon, sapat para tiyaking tali siya bilang manggagawa habambuhay!

Gaya ng iba pang kalakal, maaring bilangin ang halaga ng lakas-paggawa sa anyo ng salapi o kwentahin sa katumbas na kantidad ng paggawa, sa katumbas na oras ng paggawa. Kung ipagpapalagay na ang isang oras ng paggawa ay nagkakahalaga ng P80, ang lakas-paggawang ibinenta sa presyong P320 ay maari rin ituring na nagkakahalaga ng 4 na oras ng paggawa. Sa kabilang banda, sa 4 na oras ng pagtatrabaho ay nakalikha na ang isang manggagawa ng halagang sapat para tapatan ang kanyang sasahurin, sapat para tumbasan ang kanyang ikabubuhay.

Ang paggamit ng lakas-paggawa ay nahahangganan lamang ng aktibong enerhiya at pisikal na lakas ng manggagawa. Ang paggamit ng lakas-paggawa ay hindi nalilimitahan ng halaga ng lakas-paggawa. Magkaiba ang dalawang bagay na ito. Hindi nangangahulugan na kung kailangan lamang ng 4 na oras ng paggawa para likhain ang ikabubuhay ay 4 na oras din lamang maaring magtrabaho ang isang manggagawa. Maari pa siyang magtrabaho ng lagpas sa 4 na oras - kung kaya't maari pa siyang lumikha ng halagang lagpas sa kinakailangan niya para mabuhay.

Katunayan sa pagbenta ng manggagawa ng kanyang lakas-paggawa, sa pagbili dito ng kapitalista kapalit ng isang araw na sahod, nagkaroon ng karapatang gamitin ng kapitalista ang lakas-paggawa ng manggagawa sa buong araw. At gagamitin ng kapitalista ang lakas-paggawang ito upang lumikha ng halagang lagpas sa ikabubuhay ng manggagawa, ibig sabihin lagpas sa kanyang ipapasahod sa manggagawa. Ang labis na halagang ito ay aangkinin ng kapitalista. Ito ang tinatawag na tubo.

Ang paggawa ng manggagawa ay lumilikha ng halagang sapat para sa kanyang ikabubuhay at ng labis na halaga para sa kapitalista. Kapwa ang sasahurin ng manggagawa at ang tutubuin ng kapitalista ay nagmumula sa pagpapawis ng manggagawa.

Ipagpalagay na ang manggagawa ay namamasukan sa isang kapitalista. Sa kanilang kasunduan bibigyan siya ng sahod na P320 kapalit ng 8 oras na pagtatrabaho. Ipagpalagay din na ang isang oras ng paggawa ay may halagang P80. Ibig sabihin sa loob lamang ng 4 na oras na trabaho ay makakalikha na ang manggagawa ng halagang P320. Sa susunod na 4 na oras ng trabaho ay makakalikha pa siya muli ng halagang P320. Samakatwid, sa unang 4 na oras ay nakalikha na ang manggagawa ng halagang katumbas ng kanyang sasahurin at sa huling 4 na oras ay lilikha pa siya ng labis na halaga. Ang unang 4 na oras ay paggawang may katapat, maibabalik bilang sahod sa manggagawa, subalit ang huling 4 na oras ay paggawang walang katumbas, libreng ibinibigay sa kapitalista. Sa unang bahagi ng araw ng paggawa binubuhay ng manggagawa ang kanyang sarili subalit sa huling bahagi nito ay binubuhay na niya ang kapitalista.

Ang labis na halaga samakatwid ay walang iba kundi paggawang hindi binayaran. At ang paggawang hindi binayaran ay walang iba kundi pagsasamantala! Ang labis na halaga ay walang ibang kahulugan kundi pagsasamantala ng kapitalista sa manggagawa. Ito ang esensya ng relasyon ng kapitalista at manggagawa, isang relasyon ng pagsasamantala. Ito ang pinakatagu-tagong sikreto ng kapitalista.

Ibinebenta ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng sahod. Ang halagang lilikhain ng lakas-paggawa habang ito ay inuupahan ng kapitalista ay mapapasakamay kung gayon ng kapitalista. Sa pamamagitan ng pagpapaunang-bayad ng sahod, nakakakuha ang kapitalista ng bagong halaga, na ang isang bahagi ay muling ipapasahod sa manggagawa at ang natitirang bahagi ay labis na halagang ibubulsa ng kapitalista.

Sa paulit-ulit na prosesong ito, sa araw-araw na pagtakbo ng produksyong nakabatay sa sistemang ito, sa ganitong palitan at ugnayan ng kapital at paggawa nakatindig ang kapitalismo. Araw-araw nitong tinitiyak na mananatiling manggagawa ang manggagawa at kapitalista ang kapitalista. Nakaugat ang kapitalismo sa pagsasamantala, at sa pundasyong ito lumalago ang kapitalismo.

Ang tubo ay walang ibang pinagmumulan kundi labis na halaga. Ipagpalagay na nagkakahalaga ng P80 ang isang oras na paggawa, na nagkasundong magtrabaho ang manggagawa ng 8 oras kapalit ng sahod na P320 sa isang kapitalistang may pabrika ng polo shirt. Sa isang oras ng paggawa ay natatapos ng manggagawa ang isang polo shirt. Sa pamamagitan ng kanyang paggawa nalapatan ng P80 na bagong halaga ang polo shirt. Bukod pa ito sa lumang halaga na ipagpalagay na nagkakahalaga ng p240 - katumbas ng 3 oras ng paggawa - na nagmula sa nakaimbak na halaga ng mga murang materyales, makina at iba pang sangkap. Kung gayon ang isang pirasong polo shirt, na kayang likhain ng manggagawa sa isang oras, ay may kabuuang halagang P320.

Sa loob ng 4 na oras nakalikha na siya ng 4 na polo shirt na may kabuuang halagang P1,280, ang P960 dito ay lumang halaga at P320 naman ay bagong halaga. Ang bagong halagang ito ay sapat nang ipambili ng kanyang mga pangangailangan sa buhay, katumbas na ito ng kanyang sasahurin. Maari bang tumigil nang magtrabaho ang manggagawa? Hindi.

Malinaw sa kanilang kontrata na ang isang araw na sahod ay kapalit ng 8 oras na trabaho. Obligado ang manggagawang tapusin ang 8 oras. Kaya't sa susunod na 4 na oras ay makagagawa pa siya muli ng 4 na polo shirt na may kabuuang halagang P1,280, ang P960 dito ay lumang halaga at P320 ay bagong halaga.

Table 2: Ang Tubo ay mula sa Di-Bayad na Halagang Likha ng Manggagawa

Oras ng
Paggawa 1 2 3 4 5 6 7 8

Hilaw na
materyales 160 160 160 160 160 160 160 160

Makinarya 80 80 80 80 80 80 80 80

Lakas-
Paggawa 80 80 80 80 80 80 80 80

Sahod = P320
Labis na Halaga = P320

Matapos ang 8 oras, maari nang kwentahin ng kapitalista ang kanyang ginastos at kinita. Naglaan siya ng P320 para sa sahod at naubos ang P1,920 para sa materyales, depresasyon ng makina at iba pang gastusin. Kaya't ang kabuuan niyang gastos ay P2,240. Mayroon naman siyang 8 polo shirt na nagkakahalaga ng P2,560. Kung maibebenta itong lahat, tutubo siya ng P320. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga polo shirt sa tunay na halaga, sa presyong P320 kada piraso na naglalaman ng kabuuang 4 na oras ng paggawa, makakakuha pa rin ang kapitalista ng tubong P320. Saan ito nagmula? Walang iba kundi sa labis na halaga, sa huling 4 na oras na paggawang walang kapalit, na lumalabas na libreng ibinibigay ng manggagawa sa kapitalista.

Hindi nagmumula ang tubo sa pagpapatong sa tunay na halaga ng kalakal. Kung nagmumula ang tubo sa patong, ang kikitaon ng kapitalista mula sa pagbebenta ng kanyang kalakal na may patong ay mababawi rin sa pagbili niya ng iba pang kalakal na pinatungan din ang halaga ng ibang kapitalista. Bawat kapitalista ay hindi lamang tagabenta kundi tagabili rin - ng mga sangkap para sa produksyon bukod pa sa mga pangangailangan niya sa buhay. Kung ganito ang kalakaran, walang tunay na tutubo, magbabalanse lamang ang pagpapatong ng iba't ibang kapitalista at walang maiipong yamang kapital ang lipunan - bagay na pinabubulaanan ng walang tigil na akumulasyon ng kapital.

Kahit ibenta ang kalakal sa tunay nitong halaga, nang walang patong, makakahuthot pa rin ng tubo ang kapitalista. Sa proseso pa lamang ng produksyon ay napapasulpot na ang tubo, di pa sa yugtong bentahan o sirkulasyon ng kalakal. Pinipiga ang tubo mula sa tagalikha ng kalakal di sa tagakonsumo nito.

Hindi rin nagmumula ang tubo sa murang mga materyales at makinarya. Ang halagang nakaimbak sa mga sangkap sa produksyon, na likha ng naunang paggawa, ay naisasalin lamang sa bagong kalakal. Walang bagong halagang mapipiga sa mga sangkap na ito. Katunayan, hangga't walang manggagawa, ni hindi maisasalin ang lumang halagang nilalaman ng mga ito. Ang lakas-paggawa lamang ang pinagmumulan ng bagong halaga. Ito ang natatanging kalakal na kapag ginamit ay nagluluwal ng halagang lagpas sa halagang kailangan upang ito mismo ay malikha.

Maari namang ikatwiran ng kapitalista na sapagkat siya ang naglaan ng kapital sa negosyo at tuwinang may peligro na malugi ito, makatarungan lamang na tumbasan ang sugal na ito at karapatan lamang niyang kumuha ng tubo. Sa madaling salita, karapat-dapat tumbasan ng tubo ang kaba sa dibdib ng kapitalista. Kung ganito ang argumento ng kapitalista, maari itong sagutin: ibigay na sa manggagawa ang tubo at siya na lamang ang kakabahan para sa kapitalista. Sa ganitong baluktot na lohika ng kapitalista, lalabas na mas mahirap pang magsamantala kaysa pagsamantalahan sapagkat hamak namang kaylaki ng tinutubo ng mga kapitalista kaysa sinasahod ng mga manggagawa!

Kung isinusugal man ng kapitalista ang kanyang salapi, itinataya naman ng manggagawa ang kanyang buhay. Kung maaring malugi ang kapitalista sa negosyo, maaring mabaldado o mamamatay ang manggagawa sa trabaho. Hindi lamang simpleng ibinebenta ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa, enerhiya at kakayahan, kundi pinauupahan niya mismo ang kanyang buhay.

At kapag naubusan na ng argumento ang kapitalista upang bigyang katwiran ang pagkamkam niya ng tubo, ibubulalas niya ang ganito: binayaran niya ng sahod ang lakas-paggawa ng manggagawa at ang inaasahan niyang kapalit nito ay trabaho, hindi reklamo. Sa unang tingin, mukha ngang ang kabuuang paggawa ay binayarang paggawa, subalit ang katotohanan, ang sahod ay kapalit lamang ng halaga ng lakas-paggawa at isang bahagi ng kabuuang paggawa ay hindi binayaran.

Ang manggagawa ay maituturing na malaya kung ihahambing sa aliping kontrolado ang buong buhay at laging hawak sa leeg ng panginoon. Subalit ang kalayaang tinatamasa ng manggagawa ay kalayaan lamang na magutom kung hindi siya magpapaalipin, magpapakontrol, magpapahawak sa leeg ng kapitalista sa loob ng kung ilang oras bawat kapalit ng sahod. Ang manggagawa ay isa pa ring alipin, isang sahurang-alipin.

Gayong may kalayaan ang manggagawa na iwanan ang isang kapitalista, kinakailangan naman niyang mamasukan muli sa panibagong kapitalista - kundi malaya siyang mamatay sa gutom. Hindi siya alipin ng indibidwal na kapitalista kundi ng buong uring kapitalista.

Ang pagpapaalipin ng manggagawa ay inoobliga ng kanyang kalagayan sa lipunan, ng katotohanang siya ay walang pag-aari. Walang pag-aari ang manggagawa kundi ang lakas-paggawa na ibinebenta niya sa nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Kaya't matatanggap lamang ng manggagawa ang sahod, ang halaga ng kanyang lakas-paggawa, kung mapupunta sa kapitalista ang labis na halaga.

Ito ang natural na kaayusan ng buhay sa kapitalismo, ang di mabaling katotohanan sa lipunang nahahati sa uring kapitalista na pribadong pag-aari ang mga sangkap sa produksyon at uring manggagawa na wala ni anumang pribadong pag-aari.

Ang di-pantay na paghahati sa mga likha ng kapitalistang produksyon ay mauugat sa di-pantay na paghahati sa pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Ang pribadong pagmamay-ari ng mga kapitalista sa mga kagamitan sa produksyon ang pundasyon ng pagsasamantala sa manggagawa.

Sisiklab at sisiklab ang paglaban ng mga manggagawa sapagkat sila ay pinahihirapan, binubusabos, inaalipin at pinagsasamantalahan. Kinakailangang ultimong puntiryahin ng pakikibaka ng manggagawa ang pagpawi sa pribadong pag-aari, ang ugat ng pagsasamantala, para malagot ang tanikala ng sahurang pang-aalipin.

III

Iisang Uri, Iisang Landas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento