IV
Hamon ng Kasaysayan
Misyon ng Uri
Ang kapitalismo at ang ibayo nitong pag-unlad ang mismong nagpapatag ng daan para sa sosyalismo. Ito mismo ang lumilikha ng materyal na mga sangkap ng sosyalistang lipunan.
Sosyalisado ang produksyon sa kapitalismo. Sama-samang niyayari ng maraming tao ang iisang produkto. Dadaan sa maraming kamay ang iisang kalakal para ito matapos. Nililikha ang isang kalakal ng maraming manggagawa na gumagamit ng mga instrumentong maari lamang patakbuhin ng maraming tao, mga kagamitang nilikha rin ng sama-samang paggawa ng maraming trabahador.
Ang kabuuang paggawa ay nakapailalim sa isang dibisyon sa paggawa para magluwal ng malakihang produksyon. Sa bawat empresa, ang paggawa ng isang kalakal ay hati-hati sa mga yugto. Ang maraming manggagawa ay sabay-sabay na nagtatrabaho, sa kani-kanyang bahagi ng kabuuang paggawa, upang lumikha ng laksa-laksang produkto.
Katunayan, ang isang produktong lalabas sa isang pagawaan, liban kung ito'y produktong pangkonsumer, ay gagamitin bilang sangkap sa isa pa uling ikid ng produksyon sa iba namang pagawaang lumilikha ng iba pang produkto. Maituturing ang kabuuan ng ekonomya bilang isang malaking asembliya ng produksyon kung saan magkakaugnay ang iba't ibang empresa para likhain ang lahat ng pangangailangan ng lipunan.
Higit pa rito, tinatahi ng kapitalistang produksyon ang buong daigdig bilang isang internasyunal na ekonomya. Hinahalukay ang mga murang materyales mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Pinoproseso ang mga materyales batay sa samu't saring hakbang ng produksyon sa magkakaibang bansa. Ilalagak ang yaring produkto sa pandaigdigang pamilihan upang ikonsumo sa apat na sulok ng mundo. Isang tunay na pandaigdigang sistema ang kapitalismo na hindi nalilimitahan ng pambansang mga hangganan.
Ang sosyalisadong produksyon ay higit na maunlad na tipo ng paglikha ng mga produkto. Pinakikinabangan nito ang mga pamamaraan at kasangkapang nilikha ng pag-abante ng modernong syensya. Sinasamantala nito ang pagiging episyente na likas sa kolektibong pagtatrabaho at dibisyon sa paggawa. Ginagamit nito ang likas yaman at rekursong pantao ng buong daigdig upang tugunan ang pangangailangan ng internasyunal na pamilihan.
Sa pag-unlad na iniluwal ng kapitalismo, sa yamang nilikha ng sosyalisadong produksyon posibleng tugunan ang lahat ng mga pangangailangan ng buong mundo, kahit pa patuloy na lumalawak ang mga ito. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, may pagkakataong pawiin ang kasalatan sa lipunan at tapusin ang kahirapan sa daigdig.
Bagamat sama-sama ang paggawa at gumagamit ng mga instrumentong nilikha ng marami at pinatatakbo ng marami, ang mga produktong likha ng prosesong ito ay sinasamsam ng iilan.
Samantalang sosyalisado ang produksyon, pribado naman ang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. At sapagkat pribado ang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon, pribado pa rin ang pagkamkam ng mga likha ng sosyalisadong produksyon.
Kaya't ang bunga ng paggawa ng buong lipunan ay di pinakikinabangan ng lahat kundi napupunta sa kamay ng iilang indibidwal. Ang lahat ng pag-unlad at yamang likha ng kapitalismo ay tinatamasa lamang ng iilang nagmamay-ari hindi ng buong lipunan. Ang posibilidad na pawiin ang kahirapan ay nanatiling mailap na pangarap lamang.
Ang pananatili ng pribadong pag-aari kahit na sosyalisado ang produksyon ang dahilan ng kahirapan sa gitna ng kaunlaran ng kapitalismo, ng kasalatan sa kabila ng kasaganahan ng modernong lipunan.
Upang pawiin ang kahirapan, kailangan lamang baliktarin ang tiwarik na kaayusan ng modernong daigdig, Para ilagay ang lipunan sa makatarungang batayan, kailangan lamang dalhin ang pag-unlad ng sosyalisadong produksyon sa lohikal nitong katapusan, sa makatuwiran nitong katugma - sa sosyalisadong pag-aari.
Sa lipunang walang indibidwal na nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, wala nang puwang para may malibre sa trabaho at umasa na lamang sa tubo. Wala nang sandigan para mamuhay ang iilan sa pawis ng nakararami. Wala nang batayan para magsamantala ang minorya sa mayorya. Sa pundasyon ng komunal na pag-aari, lahat ay magtatrabaho para tugunan ang pangangailangan ng buong lipunan. Ang kabuuang bunga ng paggawa ng lipunan ay gagamitin para sa lahatang-panig na pag-unlad ng lahat.
Ito ang sosyalismo - ang makataong sibilisasyon, isang lipunang walang nagsasamantala at walang naghihirap. Sa sosyalismo ilalagay sa kamay ng lipunan ang dating pribadong pag-aari ng mga kapitalista. Magiging sosyalisadong pag-aari ang mga kagamitan sa produksyon.
Sa sosyalismo, sapagkat pagmamay-ari na ng lipunan ang mga kagamitan sa produksyon, tutugunan ang lahat ng pangangailangan ng buong populasyon ng daigdig. Lilikha ng damit hindi para pagtubuan kundi para bihisan ang mga tao. Ang higanteng potensyal ng mauunlad na makinarya at teknolohiya, na nirerendahan ng konsiderasyon ng tubo, ay gagamitin para dalhin ang modernong sibilisasyon sa atrasadong mga bayan at lubusang iakyat ang kalidad ng buhay ng mga tao. Ang pag-unlad ng ekonomya, syensya at kultura ay hindi mapupunta sa pagpapalaki ng tubo at pagsusustena sa marangyang buhay ng iilan kundi tutungo sa pagtaas ng antas ng kabuhayan at pagpapaunlad ng kakayahan ng bawat indibidwal at ng buong sangkatauhan. Ang kaunlaran at kasaganahan na dating ipinagkakait sa nakararami ay matatamasa ng lahat.
Maglalaho ang salot ng kawalang-trabaho, ang multo ng di-katiyakan ng buhay, ang takot sa pagkagutom, sapagkat paplanuhin ang produksyon upang siguruhin na lahat ng tao ay may trabaho sa lahat ng pagkakataon. Kung paanong sa kapitalismo inoorganisa ng indibidwal na kapitalista ang produksyon sa isang empresa para siguruhin ang tubo, ganoon din sa sosyalismo ipaplano ng lipunan ang kabuuang takbo ng ekonomya para tiyakin ang trabaho at pangangailangan ng lahat. Magtatrabaho ang lahat ng nasa wastong gulang at pangangatawan, at hahatiin ang mga likha ng lipunan para pakainin, bihisan, ibahay, papag-aralin, at bigyan ng makataong buhay ang lahat. Magkakaroon ng katiyakan ang buhay ng tao mula pagsilang hanggang kamatayan.
At sapagkat ang mga manggagawa ang naghaharing uri at nakatayo ang estadong manggagawa, maipapatupad ang tunay na demokrasya, masusunod ang mayorya, patatakbuhin ng nakararami ang lipunan para sa interes ng nakararami.
Ang ganap na paglaya ng kababaihan ay makakamit sa sosyalismo. Ang pormal na pantay na karapatan na tinatamasa ng kababaihan sa ilalim ng kapitalismo ay magiging totohanan sa panahon ng sosyalismo sa batayan ng paglaya ng mga babae sa domestikong pang-aalipin, pagkakaroon ng regular na trabahong may sahod at direktang partisipasyon sa buhay pampulitika't panlipunan. Ang karapatan ng kababaihan sa paghalal, diborsyo at iba pang kalayaan na limitado ang saklaw sa kasalukuyan ay magiging ganap at garantisado.
Yamang iiral ang full employment, ang lahat ng babae na nasa wastong edad at may kakayahan ay magkakaroon ng trabaho. Ang seguridad pang-ekonomya na ibibigay ng regular na trabahong may sweldo ay garantiya ng pagbabago sa posisyon ng babae sa loob ng pamilya at ng relasyon ng babae sa kanyang asawa. Lalaya ang kababaihan sa tanikala ng domestikong pang-aalipin sa pamamagitan ng sosyalisasyon ng gawaing bahay. Ang mga gawaing bahay na pinapasan ngayon ng kababaihan - pagpapalaki ng anak, pagtuturo sa mga bata, paglalaba ng damit, pagluluto ng pagkain, atbp., - ay magiging mga linya ng industriya, bahagi ng produksyon ng lipunan at serbisyong panlipunan ng sosyalistang estado.
Hindi isang magandang panaginip lamang ang sosyalismo. Hindi ito isang pangarap sa simpleng dahilang naririyan na ang mga sangkap para sa lipunang ito, nalikha na mismo ng kapitalismo ang kaunlarang pagbabatayan nito at ang uring lalaban para rito.
Makasaysayang misyon ng uring manggagawa, ng proletaryado, na itatag ang sosyalismo. Sa lahat ng uri na lumalaban sa mga kapitalista, ang proletaryado ang tunay na rebolusyonaryong uri, ang tanging uring may interes at kakayahang pawiin ang pribadong pag-aari at itayo ang sosyalismo.
Naninindigan ang lahat ng iba pang uri sa pananatili ng pribadong pag-aari. Lahat ng iba pang uri ay nabubuhay sa batayan ng kanilang yaman - malakihan sa kaso ng mga kapitalista o maliitan sa kaso ng petiburgesya o panggitnang uri - kaya't mayroong pag-aaring ipagtatanggol. Ang uring manggagawa lamang ang uring nagnanais pawiin ang pribadong pag-aari nang walang pagtatangi sapagkat wala ni anumang yamang tangan. At hindi nanaisin ng mga manggagawang magkaroon ng pribadong pag-aari sapagkat nabubuhay sila sa sosyalisadong paggawa. Pinanday sila ng sama-samang pagpapatakbo ng mga modernong kagamitan sa produksyon. Ang mga manggagawa ang uring lalaya lamang kung papawiin ang lahat ng tipo ng pagsasamantala.
Ang proletaryado ay dumarami at lumalakas sa pag-unlad ng kapitalismo habang ang ibang uri ay naaagnas at naglalaho. Pinipisak ng kompetisyon ng malalaking kapitalista ang petiburgesya. Ang indibidwal at maliitang produksyon ng panggitnang uri ay di makakatagal kapag pinasok ng malalaking kapitalista ang kanilang linya ng negosyo. Ang mas murang produktong ibabaha sa pamilihan ng malalaking kapitalista ay magpapataob sa anumang kalakal, sabihin pa mang de-kalidad, na likha ng mas atrasadong produksyon ng panggitnang uri.
Samantala, laging dumarami ang proletaryado at patuloy na dinidisiplina, pinagkakaisa at inoorganisa ng mismong pag-unlad ng kapitalistang produksyon. Habang lumiliit ang bilang ng malalaking kapitalista na nagmomonopolyo ng lahat ng ganansya ng produksyon ay lumalaki naman ang pagpapahirap, pang-aalipin, pang-aapi, pambubusabos at pagsasamantala sa masang manggagawa. Sabay ring tumitindi ang pag-aaklas ng uring proletaryado.
Ang kapangyarihan ng mga manggagawa ay nagmumula di lamang sa kanilang bilang kundi umuusbong mula sa kanilang pwesto sa pagkakaorganisa ng pang-ekonomyang buhay ng modernong lipunan.
Pawis ng manggagawa ang gasolinang nagpapasikad sa mga pabrika. Bisig ng proletaryado ang granaheng nagpapaikot sa motor ng ekonomya. Kung ang mga manggagawa ang nagpapaandar ng produksyon, sila rin lamang ang nagpapaandar ng produksyon, sila rin lamang ang maaring magpatigil dito. Kung walang paggawa, walang tubo ang kapitalista at walang mga produktong magagamit ang lipunan. Kung magwewelga ang uring manggagawa, titirik ang kapitalistang ekonomya at guguho ang buong lipunang nakatayo sa pundasyong ito.
Tanging ang manggagawa ang may angkin sa ganitong modernong agimat. Wala nang iba pang uri sa lipunan ang may kakayahang papantay sa kapangyarihang ito. Ang proletaryado lamang ang uring may kakayahang pabagsakin ang kapitalismo.
Sa lahat ng saray ng uring proletaryado, natatangi ang lakas ng manggagawang industriyal sa malalaking pagawaan. Ang kapangyarihan ng mga manggagawang industriyal ay wala sa kanilang bilang o proporsyon sa kabuuang populasyon ng lipunan. Maaring sila pa ang pinakamaliit na saray ng uring manggagawa.
Pinanday sa apoy ng konsentradong paggawa at pagsasamantala ang kakaibang karakter ng mga manggagawang industriyal. Mas malakas ang pandama nila sa organisasyon, mas matining ang disiplina sa kanilang hanay at mas malalim ang pagkakaugat ng kolektibismo at militansya. Napakanatural na umuusbong ang diwa ng pagkakabuklod at paglaban sa kanilang puso't isipan. Sila ang saray ng manggagawa na pinakabatikan sa pag-uunyon at pinakabihasa sa pakikibaka. Sila ang matibay na moog ng unyonismo at matigas na gulugod ng kilusang unyon. Ang kanilang hanay ang pinakabukas yakapin ang sosyalismo.
Nagmumula ang natatangi nilang lakas sa kanilang susing papel sa ekonomya. Sila ang mga manggagawang nagtitimon ng mga makina ng pinakamalalaking pabrika, lumilikha ng labis na halaga ng pinakamayayamang empresa, bumubuhat sa mga haligi ng modernong kapitalistang ekonomya.
Ang pagtirik ng produksyon sa isang linya ng manupaktura ay aalingawngaw sa kabuuan ng ekonomya, didiskaril sa pagtakbo ng iba pang industriyang konektado ito - mga empresang pinagkukunan ng murang materyales, mga pagawaang bumibili ng produkto nito, at iba pa. Ang pagtirik ng pagmimina ng langis o pamamahagi ng kuryente ay kikitil sa daloy ng dugong bumubuhay sa mga makina ng industriya. Ang welga sa mayor na mga kompanya ng komunikasyon o transportasyon ay puputol sa lambat ng ugnayang sentral sa pagtakbo ng ekonomya.
Ang ganitong mga aksyong industriyal ay pumipilay sa buong ekonomya, pumipinsala sa uring kapitalista at yumayanig sa mismong estado.
Ang maiigting na pakikibaka ng mga manggagawang industriyal ay nagsasahimpapawid ng mga aral ng makauring tunggalian sa buong lipunan. Pinupukaw nito ang diwang mapanglaban ng lahat ng naghihirap. Binibigyan nito ng pag-asa ang lahat ng pinagsasamantalahan.
Ginigising ng mga pakikibakang ito ang iba pang saray ng uring manggagawa - manggagawa sa serbisyo, manggagawang bukid at mala-manggagawa - maging ang iba pang anakpawis, pangunahin ang maralitang mga magsasaka. Lahat sila ay naghihirap sa ilalim ng kapitalismo. Lahat sila ay lumalaban, sa iba't ibang paraan, sa uring kapitalista. Subalit ang kanilang hanay ay di masinsin at relatibong hati-hati. Mas mahirap silang organisahin, demoralisado sila ng mababang pasahod at malalang kalagayan sa paggawa at madali silang gapiin ng mga kapitalista sa mga labanang pang-ekonomya.
Likha ng kakaibang katangian at natatanging lakas ng mga manggagawang industriyal, nakaatang sa kanilang balikat ang mabigat na responsibilidad sa pakikitunggali ng uring manggagawa. Nasa kanila ang kakayahan at tungkuling pukawin sa militanteng paglaban ang iba pang saray ng proletaryado at anakpawis, at pangunahan ang kabuuang pakikibaka ng uri laban sa kapitalismo.
Ang mga manggagawang kababaihan ay may partikular na hamong pamunuan ang kilusang kababaihan at ikawing ito sa pakikibaka ng kilusang manggagawa para sa sosyalismo. Ang paglaya ng kababaihan at ang katubusan ng manggagawa ay parehong magaganap lamang sa sosyalismo. Sa lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, maglalaho rin ang di-pantay na katayuan at pagturing sa babae. Walang paglaya ng kababaihan kung walang sosyalismo.
Wala ring sosyalismo kung walang paglaya ng kababaihan. Ang kababaihan ay bumubuo ng kalahati ng uring manggagawa. Hindi magtatagumpay ang sosyalistang rebolusyon kung hindi mapupukaw, maoorganisa at mapapakilos ang kalahati ng masang manggagawa. Ang paglaya ng kababaihan at manggagawa ay iisang laban at di mapaghihiwalay. Kaya naman kailangang agawin ng kababaihang manggagawa ang liderato ng kilusang kababaihan mula sa kamay ng kababaihang burgis at idirihe ito sa sosyalistang pakikibaka.
Sa aktwal na kalagayan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pakikipagkapatiran ng kilusang unyon - ibig sabihin, pakikipagkaisa sa mga panawagan at pagkilos - sa kilusan ng maralitang lungsod, kilusan ng manggagawang bukid at sa lahat ng kilusang lumalaban sa kapitalismo gaya ng mga istudyante at kababaihan, maitatayo ang isang makapangyarihang sosyalistang kilusang masa, na ang malakas at matigas na ubod ay ang mga manggagawang industriyal.
V
Landas ng Bayan
Landas ng Uri
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento