Biyernes, Oktubre 30, 2009

polyeto - San Pedro Market Vendors

BOT-MOA at Municipal Ordinance # 2000-16 Ipatupad!

Ibalik (Refund) ang Sobrang Singil sa Renta!

Itigil ang Illegal Rental Increase!

Mga Kababayan sa San Pedro at sa mga Karatig Bayan,

Ang San Pedro Public Market ay dapat pakinabangan ng mamamayan ng San Pedro. Dapat magbigay ito ng sustenadong kabuhayan at ginhawa sa mamamayan ng San Pedro, laluna’t nasa ilalim tayo ngayon sa State of Calamity. Sunod-sunod na krisis at kalamidad ang tumama sa ating bansa. Hindi pa nalulutas ang epekto ng Global Financial Crisis, na naresulta ng malawakang tanggalan sa trabaho, inabot na naman tayo ng matinding kalamidad (Ang Bagyong Ondoy) na kung saan isa ang ating bayan sa matinding tinaman ng malawakang pagbaha na hanggang sa kasalukuyan lubog pa ang Baranggay Landayan at South Fairway. At iba pang baranggay at bayan sa paligid ng Lawa ng Laguna.

Masakit nito, napinsala na ang ating mga bahay at ari-arian ng bagyong Ondoy, nangananib pang alisin ang natitira nating kabuhayan (Ang mga pwesto natin sa SUKI MARKET, San Pedro Public Market).

Ito ang dahilan, kung bakit nais naming ipabatid sa inyo at hingin ang inyong pang-unawa at suporta sa isasagawa naming pansamantalang pagtigil sa pagtitinda ngayong ika-27-29 ng Oktubre, 2009. Bilang protesta sa patuloy na paggigipit sa amin ng SUKI MARKET Management.

Ang kasaysayan ng SUKI Public Market:

June 26, 2000 nagkaroon ng MOA ang LGU (Sangguniang Bayan) ng San Pedro Laguna sa ITHIEL Corporation na pagmamay ari ni Ms. Ma. Teresa R. Lim. Isinailalim sa Build to Operate Transfer-BOT ang San Pedro Public Market. Kasabay nito pinagtibay ng Sangguniang Bayan ang Municipal Ordinance No. 2000-16, na may kasunduan sa ipapatupad na “Rental Rates” sa mga Stall Holders sa bagong palengke ng San Pedro na mas kilala sa pangalan SUKI MARKET.

Sa MOA Art. VI. Malinaw na nakasaad na walang pagtataas sa renta hanggat walang konsoltasyon/pagsang-ayon ang Vendors Association. Section 18: ITHIEL may increase said rentals charges with the consultation with the market vendors association into consideration the increase in cost of maintenance and operation of the new market resulting to an increase of buyers patronizing the market.

Art. VII. Miscellaneous Provisions: Section 2: The Parties shall have the right to terminate the Agreement without resorting to legal proceedings in case of any substantial breach of condition/ obligations and responsibilities. A pattern of continuing or repeated non-performance, willful violation or non-compliance of terms and conditions hereof will be deemed a substantial breach of Agreement.

Sa Municipal Ordinance No. 2000-16, naman na pinagtibay ng Sangguniang Bayan, nasasaad ang kasunduan sa ipapatupad na “Rental Rates” sa mga Stall Holders sa bagong palengke ng San Pedro na mas kilala sa pangalan SUKI MARKET. Gaya ng mga ss:

GROUND FLOOR :

Items Merchandise Rates/stall/per day Area Per Sqm.

A Fish P42.00– P59.00 2.1 – 3.0 P20.00– P 25.00
B Meat P42.00– P59.00 2.1 – 3.0 P20.00 – P25.00
C Chicken P42.00– P59.00 2.1 – 3.0 P20.00 – P25.00
D Vegetable P40.00– P52.00 2.28 – 3.0 P18.00 – P23.00
E Grains P63.00– P81.00 7.9 – 9.0 P8.00 – P10.00
F Grocery P30.00– P40.00 5.35 – 6.0 P5.00 – P7.00
G RTW P34.00– P46.00 5.7 – 6.0 P6.00 – P8.00
H Fruits P43.00– P86.00 2.85 – 6.0 P15.00
I Native weets P17.00– P46.00 2.85 – 6.0 P6.00 – P8.00
J Coconut P20.00 - P30.00 2.0 – 6.0 P8.00 – P10.00
K Ice P96.00 10.0 P9.60

SECOND FLOOR;

A Parlor P69.00– 92.00 10.0– 14.0 P6.00 – P8.00
B Jewelry P69.00– 92.00 10.0 – 14.0 P6.00 – P8.00
C Carinderia P100.00 11.0 – 14.0 (dining ncluded)

Ngunit, ang Municipal Ordinance No. 2000-16, na pinagtibay ng Sangguniang Bayan, ukol sa ipapatupad na “Rental Rates” sa mga Stall Holders ay tahasang binaliwala at hindi sinunod ng SUKI MARKET Management na si Ms. Ma. Teresa R. Lim.

Naningil ito ng labis sa itinatakda ng kasunduan.

Halimbawa : Ang isang stall holder sa Dry Section na umaakupa ng 6.15 sqm. Ay sinisingil ng halagang P328.00 per day. Lumalabas na P53.33 per sqm, per day ang sinisingil.

Samantala malinaw na nasasaad sa pinagtibay na Municipal Ordenance No. 2000-16. noong June 26, 2000, Na; P15.00 per sqm, per day lamang ang dapat na renta. Kung gayon, 6.15 sqm x P15.00 = P92.25 per day lamang ang dapat na Renta Kung gayon, P235.75 per day ang labis na singil. Ito ang dapat na i-refund ng SUKI MARKET (Ms. Ma. Teresa R. Lim) sa mga stall holders Vendors.

Dagdag pa, mula 2004 ay taon taon itinataas ng 10% ang renta. Ibig sabihin halos 60% na ang itinaas sa halaga ng renta. At ngayon November 1, 2009, kasabay ng araw ng mga patay, muling oobligahin kaming papirmahin sa taunang renewal ng pwesto kasabay ang panibagong 10% na pagtaas ng renta.

Kung kayat muling nagpasa ang Sangguniang Bayan ng San Pedro ng bagong Resolution No. 2007-53 noong March 12, 2007 na sinususugan ang dati ng batas at inaatasan ang management ng SUKI Market na sundin at ipatupad ang sinasaad na Rental Rate sa Municipal Ordenance N0. 2000-16. Noong June 26, 2000 ng walang pagtatangi sa baguhan at datihan ng vendors.

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na nilalabag ang naturang mga Ordinansa at Resolusyon. Patuloy na nilalabag ang MOA na pinagtibay noong June 26, 2000. Patuloy na pinagsasamantalahan ang kawawang Stall Holders ng SUKI MARKET Management na si Ms. Ma. Teresa R. Lim.

Gayun paman, sumulat ang Suki Wet and Dry Market Vendors & Stall Holders Association Inc. sa management ng SUKI Market noong October 13, 2009. Hiniling na ipatupad na ang nilalaman ng MOA, Ordinansa, Resolusyon at isaayos ang mga sumusunod na usapin sa SUKI MARKET. Gaya ng Bentelasyon, Kalinisan, Sub-meter, CUSA at pagtaas ng 10% taon taon sa renta.

Subalit, sa halip na dinggin ang mga karaingan ng mga maliliit na manininda, pagbabanta at pananakot ang ginagawa ng management. Sa anyo ng araw araw na ”pagging system”, pagpapaskil ng babasahin, na diumano, ”ang ayaw mag-renew at ayaw sumunod sa 10% taon taon pagtaas ng renta ay lumalayas na!”

Para sa kapwa naming manininda, Sobra na ang pahirap sa atin ng SUKI Market Management. Halos sa kanila na lamang napupunta ang kakarampot nating kinikita sa pagtitinda. Sobra na ang paglapastangan nito sa ating mga batayang karapatan. Maging ang lokal nating pamahalaan ay hindi na pinakikinggan. Sa halip na tulungan tayong makapanumbalik sa normal na pamumuhay dahil sa salanta ng Bagyong Ondoy, ito patuloy tayong ginigipit at tinatakot. Walang patawad! Walang konsensya! Walang puso! Ang Management ng SUKI Market.

Sa mga Kababayan at mamimili, mga kapatid namin sa hanap buhay na magtri-tricycle. Tutol kami sa taunang pagtaas ng renta sa aming pwesto, hindi pa dahil sa liliit ang aming kita, kundi ayaw naming patuloy na tumaas ang presyo ng mga bilihin o paninda namin. Na magiging dagdag na pahirap sa ating lahat.

Kung kaya, hinihingi namin ang inyong pang-unawa, kooperasyon at pagsuporta sa isasagawa naming protesta. Ito’y hindi lamang namin laban, kundi laban ito nating lahat na mamayan ng San Pedro.

Mga kasama, panahon na para manindigan, pahigpitin ang pagkakaisa, kapit bisig, sama-sama tayo sa kilos protesta ngayong ika-27-29 ng Oktubre, 2009 para ipaglaban ang ating mga lehitimong karapatan at kahilingan :

  1. Rental Rates Law. Ipatupad!
  2. Ibalik (Refund) Sobrang siningil!
  3. Para sa recovery ng kabuhayan, dulot ng pinsalang bagyong ondoy, 10 % rental increase. Alisin!
  4. Moratorium sa Renewal ng kontrata!
  5. Itigil na ang paniningil sa CUSA.

Suki Wet and Dry Market Vendors & Stall Holders Association Inc. Brgy. Nueva, San Pedro, Laguna,

Ika-26 ng Oktubre, 2009

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento