Miyerkules, Oktubre 7, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 5

V

Landas ng Bayan
Landas ng Uri

Ang pakikibaka para sa sosyalismo ay mulat na pagkilos ng higit na nakararami para sa ganap na pagbabago ng umiiral na sistema. Walang ibang paraan para sa tagumpay ng sosyalistang rebolusyon kundi ang hayagan at malawakang makauring tunggalian sa pagitan ng dalawang pangunahing uri ng kasalukuyang lipunan. Isang tuwirang labanang naglalantad ng magkatunggaling interes ng dalawang uri. Isang malawakang pakikibakang mulat na nilalahukan ng milyun-milyong manggagawa para ibagsak ang kapitalistang estado.

Sa Pilipinas, ang pinakamalaking balakid sa pakikibaka ng manggagawa para sa sosyalismo ay ang atrasadong antas ng makauring tunggalian. Hindi pa sumisiklab ang masasaklaw na labanang industriyal - pang-ekonomya man o pampulitika - sa pagitan ng mga manggagawa at mga kapitalista. Mga pakikibakang tuwirang naglalantad sa di-mapagkakasundong interes ng dalawang uri at nagpapabaga sa usapin ng pagpapabagsak ng kapitalismo bilang kagyat na suliraning panlipunan.

Mauugat ang pagkaatrasado ng makauring tunggalian sa Pilipinas sa pagkaatrasado ng kapitalistang pag-unlad. Likha ng pagkabansot ng kapitalismo sa bansa, makitid ang industriyal na proletaryado, ang maaasahang gulugod ng kilusang unyon at tagapagbandila ng sosyalismo. Hindi lamang manipis ang hanay ng manggagawang industriyal kundi kakaunti pa ang organisadong seksyon. Hindi lamang maliit ang kilusang paggawa kundi hati-hati ito sa ilang sentro, lagpas 100 pederasyon, at libu-libong lokal at independyenteng unyon, na hindi madaling magkasundo sa paglulunsad ng mga pagkilos, laluna't may dilawang mga lider at tinyente ng burgesya sa loob ng kilusang unyon.

Kinakailangan pang hawanin ang landas para sa lubusang paglarga ng maigting at lantarang makauring tunggalian sa pagitan ng uring manggagawa at uring kapitalista. Kung kaya't ang kagyat na layunin ng makauring pakikitunggali ng proletaryado ay hindi pa sosyalismo kundi demokrasya.

Hindi nito tinutukoy ang pekeng demokrasya ng mga elitista na umiiral sa ngayon at sumisikil sa iba't ibang paraan sa kalayaan at karapatan ng mamamayan. Kundi ipinapakahulugan nito ang demokrasyang bayan na magbibigay ng malawak na kalayaang sibil at karapatang panpulitika sa manggagawa at iba pang anakpawis.

Ang makauring pakikitunggali ng proletaryadong Pilipino ay may dalawang anyo - sosyalista at demokratiko. Ang dalawang anyong ito ay tumutugma sa dalawang magkaibang nilalaman o tungkulin ng makauring pakikibaka ng proletaryado. Subalit magkaiba man, may di-maipaghihiwalay na ugnayan ang dalawang ito: dalawang mukha sa iisang kabuuan, dalawang tungkulin ng iisang makauring pakikitunggali ng proletaryado.

Ang saysay ng kagyat na demokratikong pakikibaka ng manggagawa ay hawanin ang daan para sa masaklaw at tahasang paglaban para sa ultimong sosyalistang layunin. Gagamitin ng uring manggagawa ang makakamit na demokrasya, ang malawak na karapatan at kalayaan, para sa tuwirang paglaban sa uring kapitalista, at kagyat na sisimulan ang sosyalistang rebolusyon matapos ang demokratikong pakikibaka. Ang demokratikong pakikibaka ay bahagi lamang, ang unang hakbang, sa isang tuloy-tuloy na rebolusyon ng manggagawa tungong sosyalismo.

Ang demokratikong pakikibaka ng proletaryado ay nangangahulugan ng paglaban para sa mga kahilingang mangangalaga sa pisikal at moral na katayuan ng mga manggagawa, at magpapataas ng kakayahang lumaban ng uri para sa kanyang paglaya. Sa kasalukuyan, ang mga demokratikong kahilingang ito ay umiikot sa usapin ng sahod, trabaho at karapatan.

Kailangang ipagtanggol ang sahod mula sa pag-uk-ok ng sumisirit na presyo ng bilihin. Higit dito, dapat iakyat ang tunay na halaga ng pangkaraniwang sweldo upang iangat ang pangkalahatang kalidad ng buhay ng mga manggagawa. Kailangang pangalagaan ang seguridad sa trabaho, kasama na ang sahod at benepisyo, mula sa pagsalanta ng kaswalisasyon at kontraktwalisasyon. Dagdag pa, dapat mabigyan ng trabaho ang sanlaksang mga walang hanapbuhay, nang sa gayon maibsan ang presyur ng reserbang hukbo ng paggawa na humihila pababa sa sahod at benepisyo. Maliban dito, dapat itali ang mga kapitalista na sundin ang anumang umiiral na regulasyon sa paggawa at pasaklawin pa ang mga proteksyon ng manggagawa. At kailangang ibasura ang sangkaterbang restriksyon at regulasyon sa pag-uunyon at pagwewelga na nagsisilbing gapos sa kamay ng manggagawa sa pakikibaka.

Ang partikular na mga usapin ng mga seksyon ng uring manggagawa - gaya ng kababaihang manggagawa, at maralita ng lungsod at kanayunan - ay mahalagang tugunan at isulong. Ang kababaihang manggagawa ang bumubuo sa kalahati ng hukbong mapagpalaya kaya't ganun kaimportante sa buong kilusang manggagawa na maisulong ang kanilang kagalingan at karapatan, na maorganisa at mapakilos sila. Ang pakikibaka ng kababaihang manggagawa laban sa diskriminasyon, pang-aabuso at karahasan ay integral na bahagi ng demokratikong kahilingan ng uring manggagawa.

Kung makakamtan ang mga reporma at pagbabagong ito, higit na lalakas ang kilusang manggagawa at ibayong titindi ang pakikibaka laban sa uring kapitalista. Hahawanin nito ang landas para sa mas malawak at hayagang makauring tunggalian.

Ang demokratikong pakikibaka ay nangangahulugan din ng paglaban para sa panlipunang pag-unlad, ng pakikibaka para sa mga pang-ekonomya at pampulitikang reporma sa kasalukuyang sistema. Bukod sa mga manggagawa, ang panlipunang pag-unlad ay kahilingan din ng ibang uri at sektor na disgustado sa umiiral na lipunan sapagkat hindi natutugunan ang kanilang demokratikong interes.

Ang demokratikong pakikibaka ay hindi solong laban ng uring manggagawa kundi pakikitunggali ng buong sambayanan para sa komon na interes. Sa sosyalistang pakikibaka, nag-iisang tumatayo ang uring manggagawa laban sa uring kapitalista. Subalit sa demokratikong pakikibaka, kaagapay ng mga manggagawa ang ibang uri at sektor - ang mga magsasaka at ang petiburgesya - na naghahangad rin ng pagbabago sa kasalukuyang sistema.

Sa kasalukuyan, demokratikong mga pakikibaka ang mas tampok na panlipunang salpukang sumisiklab sa Pilipinas. Pangunahin dito ang laban ng uring magsasaka para sa repormang agraryo, ang laban ng petiburgesya para sa mga repormang pampulitika, ang laban ng Bangsamoro para sa kalayaan sa sariling pagpapasya, at ang laban ng buong sambayanan para sa sariling pambansang pag-unlad kontra sa dominasyon ng imperyalismo sa anyo ng globalisasyon.

Ang mga kilusang sektoral at multisektoral gaya ng kilusang istudyante at kilusang kababaihan na masigla at aktibo sa paglaban para sa kanilang partikular na mga kahilingan ay krusyal na makaalyado ng kilusang manggagawa. Ang kanilang paglaban ay mga anyo ng demokratikong pakikibaka at bahagi ng kabuuang pagrereporma ng sistema.

Sa panahon ng pamamayagpag ng globalisasyon, sa pag-unlad ng imperyalismo sa yugtong ito at sa pananalasa ng imperyalistang globalisasyon sa bansa, may natatanging init at igting ang anti-globalisasyon o anti-imperyalistang pakikibaka. Kung paanong ang anti-pasistang pakikibaka ang tumampok na usaping nagpakulo ng kilusan laban sa diktadurang Marcos, ang anti-imperyalistang pakikibaka naman ang tumitingkad na isyung nagpapasiklab ng kilusan laban sa reaksyonaryong sistema.

Ang pakikibaka para sa demokrasya at kalayaan ang dalawang pangkalahatang kahilingan ng demokratikong pakikibaka. Ang paglaban para sa demokrasya ay tumutukoy sa pagwawagi ng mga kahilingang pang-ekonomya at pampulitika ng aping mga uri at sektor sa kasalukuyang sistema. Ang pakikibaka para sa kalayaan ay nangangahulugan ng pagsusulong ng pambansang pag-unlad nang malaya sa dominasyon ng imperyalismo.

Ang tagumpay ng demokratikong pakikibaka ay di pa sasagot sa lahat ng pangangailangan ng manggagawa, di pa tutugon sa interes ng uri. Gayunpaman, ang tagumpay ng demokratikong pakikibaka ay magpapatag ng landas para sa malawakan at hayagang makauring pakikibaka. Sa paglutas sa mga isyung pambayan, titingkad ang makauring usapin, ang tungkuling pawiin ang pribadong pagmamay-ari. Sa ngayon, nag-iilusyon pa mismo ang mahihirap na kinakailangan lamang mabawasan ang katiwalian sa gobyerno, magkaroon ng pambansang pag-unlad o mapalaya ang bayan sa kuko ng imperyalismo upang mapawi ang pagdarahop at pagsasamantala. Hindi pa nila makitang sosyalismo ang katubusan ng masang manggagawa sapagkat nabubulagan pa sila ng ibang nagbabagang usaping pambayan na kagyat na tumatampok bilang suliranin ng lipunan. Papawiin ng tagumpay ng demokratikong pakikibaka ang mga ilusyong ito.

Ganunpaman hindi ito nangangahulugang hindi maaring simulan na ngayon pa lamang, sa panahon ng demokratikong pakikibaka, ang sosyalistang pagmumulat, sosyalistang edukasyon, sosyalistang ahitasyon at sosyalistang propaganda sa masang manggagawa. Ang pangingibabaw ng kapitalismo sa lipunan, ang kapitalistang pagsasamantalang dinaranas ng mga manggagawa ang batayan ng kanilang pag-unawa at pagnanasa para sa sosyalismo. Katunayan, tanging sa pagkamulat sa sosyalismo, sa pag-unawa sa makauring interes, magkakaroon ng kapasyahan ang uring manggagawa na isulong at ipagtagumpay ang demokratikong pakikibaka kaagapay ang iba pang aping uri at sektor ng kasalukuyang lipunan.

Ang uring manggagawa ang determinadong mandirigma ng demokratikong pakikibaka, ang maaasahang gulugod ng isang malakas na kilusang bayan. Hindi nito ikokompromiso ang laban ng sambayanan sapagkat ang mga manggagawa ang pinakaaping uri sa lipunan. Wala itong reserbasyon sa laban sapagkat nakatanaw ang uring manggagawa sa malayo, sa laban para sa sosyalismo na lagpas sa demokratikong pakikibaka. Lumalaban ang kilusang manggagawa sa harapan ng sambayanan sapagkat obligado itong dumaan sa landas ng demokratikong pakikibaka upang makaabot sa ultimong sosyalistang destinasyon.

Hinihingi ng makauring pakikitunggali ng proletaryado na hindi lamang lahukan kundi pamunuan ng uring manggagawa ang demokratikong pakikibaka ng sambayanan. Kung mapapanghawakan ng uring manggagawa ang liderato ng demokratikong pakikibaka, garantisado ang lubos at mapagpasya nitong tagumpay.

Tatapusin ng uring manggagawa ang demokratikong pakikibaka sa isang ganap na rebolusyon ng bayan. Pangungunahan nito ang pag-aalsa ng mamamayan laban sa reaksyunaryong gobyerno. Titiyakin nitong maitatayo ang isang rebolusyonaryong pamahalaang magpapatupad ng lahat ng demokratikong kahilingan ng sambayanan. Ang makauring katangian ng rebolusyonaryong pamahalaan ay gobyerno ng mamamayan. Isang gobyernong binubuo ng mga kinatawan ng demokratikong mga uri, pangunahin ang uring magsasaka, petiburgesya at manggagawa. Isang gobyernong tutugon sa demokratikong interes ng mga uring ito.

Sa pamumuno ng proletaryado sa matagumpay na rebolusyon ng bayan malulubos ang mga ganansyang makakamit ng manggagawa. Maibibigay ang lahat ng demokratikong mga kahilingan ng manggagawa, at magagarantiya ang mga karapatang pampulitika at kalayaang pang-unyon, mga kahilingang tutungo sa pagtaas ng kalidad ng kanilang buhay at paglakas ng kanilang kilusan. Maipipihit ang balanse ng pwersa sa makauring tunggalian laban sa uring kapitalista pabor sa uring manggagawa.

Gayundin ang tagumpay ng demokratikong pakikibaka ay tutungo sa ibayong panlipunang pag-unlad, sa mas masigabong industriyalisasyon, sa mas masiglang paglago ng kapitalismo. Ilalatag ng panlipunang pag-unlad ang materyal na mga sangkap para sa sosyalismo. Ipupundar nito ang yamang panlipunan at mauunlad na produksyon na magsisilbing batayan ng sosyalistang sistema. Iluluwal nito ang mas maraming sahurang alipin, ang mas makapal na industriyal na proletaryado, ang mas malaki at disiplinadong hukbong lalaban para sa sosyalismo.

Mailalatag ang pinakapaborableng kondisyon para sa sosyalistang pakikibaka. Mahahawan ang mabilis at direktang pagtawid ng makauring pakikitunggali ng manggagawa tungong sosyalistang rebolusyon.

Ang liderato ng proletaryado sa demokratikong pakikibaka ay pamumuno ng isang uri hindi ng isang indibidwal. Subalit kung paanong ang isang indibidwal ay nagiging lider sapagkat sinusundan ng mga taong naniniwala sa kanyang paninindigan, gayundin ang uring manggagawa ay namumuno sapagkat ang kanyang kilusan ay titingalain ng iba pang uri at sektor, kikilos ang sambayanan sa ilalim ng mga bandilang tangan ng kilusang manggagawa.

Ang una at pangunahing rekisito sa pamumuno ng proletaryado sa demokratikong pakikibaka ay ang pagbangon ng isang malakas na kilusang manggagawa. Maimamarka ng proletaryado ang makauring tatak sa laban ng bayan kung malakas ang sariling kilusan, kung maigting ang pakikibakang manggagawa. Subalit babangon lamang ang isang malakas na kilusang manggagawa kung ito ay organisado bilang isang kilusang makauri, lumalaban para sa kagyat na demokratikong mga kahilingan nang mulat sa ultimong sosyalistang interes.

Sa paraan ng buhay na halimbawa ng paglaban, pupukawin ng mga manggagawa ang ibang uri at sektor na kumilos at ipaglaban ang sariling mga hinaing. Sa pamamagitan ng maigting na pagkilos sa pabrika at lansangan, hihimukin ng uring manggagawa ang buong bayan na tahakin ang landas ng pakikibakang masa. Ituturo ng militanteng kilusang manggagawa sa sambayanan kung papaano makibaka at magwagi laban sa umiiral na rehimen.

Ang ikalawang rekisito sa pamumuno ng proletaryado ay ang pag-ako ng kilusang manggagawa sa mga panawagan ng ibang uri at sektor bilang sariling kahilingan. Isusulat ng kilusang manggagawa sa sariling bandila ang demokratikong mga kahilingan ng sambayanan. Sa ganitong paraan hihinangin ang matibay na alyansa sa pagitan ng mga uri at sektor na lumalaban sa umiiral na rehimen. Rerespetuhin ng buong bayan ang matikas na kilusang manggagawa bilang pinakamaaasahang kakampi sa demokratikong pakikibaka.

Subalit aakuin ng uring manggagawa ang mga kahilingan ng buong bayan nang hindi binibitawan ang nagsasariling mga kahilingan at sinasakripisyo ang independenteng interes. Titindigan ng kilusang manggagawa ang mga panawagan ng ibang uri batay sa pagkakaintindi sa sariling makauring interes para sa panlipunang pag-unlad, panghahawakan ng proletaryado ang mga kahilingang ito sapagkat mulat sa pangangailangang hawanin ang mas malawak at hayagang makauring tunggalian.

Ang mga kahilingan ng bayan ay ganap na makakamit sa pamumuno ng uring proletaryado sa demokratikong pakikibaka. Ang landas ng bayan ay ang landas ng uri.

Samantala, ang tuwirang transisyon sa sosyalistang pakikibaka ay maisasagawa naman sa pamumuno ng uring manggagawa sa pakikibaka ng bayan. Ang landas ng uri ay landas ng bayan.

Sa unahan ng buong bayan, isisigaw ng sosyalistang proletaryado - demokrasya! Sa harap ng lahat ng anakpawis, ibabandila ng mulat na manggagawa - sosyalismo!



Mga pinagsanggunian:

I. Iisang Kalagayan, Iisang Kapalaran

1. Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES), January 2005
2. National Wages and Productivity Commission (NWPC), March 2006
3. Occupational Wages Survey, BLES, June 2002
4. Regional Poverty Estimates, National Statistics Coordination Board (NSCB), 2003
5. SWS 2nd quarter survey, Social Weather Station (SWS), 2005
6. Family Income and Expenditures Survey, National Statistics Office (NSO)
7. Survey on Children, NSO, 2001
8. BLES Intergrated Survey (BITS), 2002
9. Survey on Labor Standards, 2002, DOLE
10. Country Report on Human Rights Practices, US State Department, 2004
11. Regional Labor Force Statistics on Women and Young Workers, October 2004
12. National Statistics Office, October 2004
13. 1996 Report, United Nations Development Program (UNDP)
14. International Herald Tribune, 1999/02/05
15. 1999 Human Development Report, United Nations Development Program (UNDP)
16. "Report: US Rentals Unaffordable to Poor," Genaro Armas, Associated Press
17. "Income and Inequality, 8 Years of Prosperity: Millions Left Behind," Woodrow Ginsburg, Economic 18. Policy Committee, Americans for Democratic Action Inc.

II. Dalawang Uri sa Lipunan, Dalawang Interes sa Buhay

1. Marx and Engels, Wage, Labor and Capital
2. Mandel, Ernest, Introduction to Marxist Economic Theory
3. Eaton, John, Political Economy

III. Iisang Uri, Iisang Landas

1. Lenin, Vladimir, What is to be Done?
2. ibid, On Strikes
3. Luxembourg, Rosa, Mass Strike

IV. Hamon ng Kasaysayan, Misyon ng Uri

1. Marx at Engels, Communist Manifesto
2. Engels, Utopian and Scientific Socialism

V. Landas ng Bayan, Landas ng Uri

1. Lenin, Vladimir, Two Tactics of Social Democracy
2. BMP Pre-Congress document: Bagong Landas, Bagong Kilusan, 1996

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento