Biyernes, Oktubre 30, 2009

polyeto - ALMA-QC

MAKATARUNGANG PABAHAY SA MGA NASALANTANG MARALITA, IPAGLABAN!

Septyembre 26, 2009, sinalanta ng bagyong Ondoy ang Kamaynilaan at karatig-probinsya. Katumbas ng isang buwang ulan ang dulot ng Ondoy sa loob ng 6-9 na oras, mas mataas pa sa ulan na dulot ng bagyong Milenyo noong 2007. Isinisisi ng pamahalaan ang mga maralitang iskwater sa naganap na pagbaha, imbes na sa kapalpakan ng pamahalaan sa pagsasagawa ng nararapat na paghahanda para rito.

Dahil dito, agad ipinag-utos ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagsagawa at pagpatupad ng isang urban development project na naglalayong baguhin ang anyo ng Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga libu-libong maralitang nakatira sa mga danger zones, lalo na sa mga estero. Ayun naman kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Hermogenes Ebdane, Jr., kinakailangan daw repasuhin ang mga batas at ordinansa ukol sa land use at zoning upang mapigilan ang pagbara sa mga drainage, spillways at floodways na dulot diumano ng mga informal settlers. Ito’y maliwanag na banta ng malawakang demolisyon at ebiksyon laban sa mga maralita.

Sinasamantala ng pamahalaan ang pagkawasak ng tahanan ng mga maralita dulot ng pagbaha upang hindi na sila makabalik at tuluyang na rin silang alisin sa kanilang tahanan.

Masansang na panlasa ang bakas na iniiwan ng mga ganitong tugon ng pamahalaan sa nasalanta ng bagyo. Halos karamihan ng biktima ng Ondoy ay mga maralita. Imbes na bigyan sila ng tulong, sila pa ngayon ay nakakaranas ng pangamba, hindi na mula sa bagyo kundi mula sa pamahalaan. Kahit papaano, ang bagyo ay may tinira pa sa kanilang bahay, ang pamahalaan ay tuluyan itong aagawin sa kanila.

Halos lahat ng eksperto sa larangan ng siyensiya ay nagkakaisa na ang sanhi ng pagbaha at pagkamatay ng marami ay kapabayaan mismo ng pamahalaan. Walang early warning system kahit na siyam na oras ang lag-time sa pagdaloy ng tubig mula sa bundok at matataas na lugar patungo sa mga lugar na sinalanta ng baha. Wala ring Doppler radar ang PAGASA kung kaya hindi ito nakapag-abiso tungkol sa dami ng tubig na dala ng Ondoy kahit na nasa Signal No. 1 lamang ang lakas ng hangin. Wala ring malinaw na rescue at relief operation kung kaya mas malaki pa ang naitulong ng mga pribadong grupo at simbahan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima.

Kung kaya, hindi nararapat na ang hantungan ng sisi ay mga maralitang lungsod na sila ring naging biktima hindi lamang ng bagyong Ondoy kundi ng kapabayaan ng pamhalaan.

Hindi nilalayon ng maralitang lungsod na pigilin ang pagsasaayos sa ka-Maynilaan upang lalo itong maging ligtas sa kapahamakan mula sa kalamidad. Ngunit kung magkakaroon man ng solusyon dito, nararapat na ito ay hindi nakabatay sa isang maling pagtingin sa mga maralita na tila ba ay sila ang nagdulot ng kalamidad kaya isasaalang-alang na lamang ang kanilang karapatang mabuhay bilang tao.

Ang panawagan ng mga maralitang lungsod ay isang mas makatarungang solusyon. Ipatupad ang moratorium sa demolisyon at evictions hanggang may maayos na bahay/lupa sa relocation, may maayos na pasilidad gaya ng ilaw, tubig para sa kalusugan, at may kabuhayan.

Ang mga hakbang patungo dito ay ang mga sumusunod:

1. Bigyan ng sapat na pondo ang pagbili ng lupa at pagpatayo ng bahay sa isang comprehensive housing program;
2. In-city relocation at On site development;
3. Moratorium sa demolitions/evictions;
4. Status quo sa evacuees/evacuation centers hangga’t walang ligtas at sustainable relocation area;
5. Kagyat na pagkakaroon ng staging area para sa critical areas.
6. Konsultasyon at negosasyon, hindi demolisyon
7. Safe, affordable, accessible housing na may security of tenure para sa lahat
8. Ang pabahay ay dapat serbisyo, at huwag gawing negosyo

Sumama sa pagkilos sa Oktubre 26, 2009, Lunes. Ang kitaan ay sa harap ng PNB sa Kalayaan, cor. Elliptical Road sa ganap na ika-12:30 ng tanghali.

MGA MARALITA MAGKAISANG IPAGLABAN ANG MAKATARUNGANG PANINIRAHAN PARA SA LAHAT!

ALYANSA NG MARALITA SA QUEZON CITY (ALMA-QC)

Oktubre 23, 2009

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento