III
Iisang Uri,
Iisang Landas
Itinutulak ng mismong kalikasan ng kapitalismo, ng sistemang sahuran, ng katotohanang isang kalakal ang lakas-paggawa, na makipagtawaran ang manggagawa para sa halaga ng kanyang lakas-paggawa at igiit ang mas mataas na pasahod.
Subalit hangga't haharap nang paisa-isa ang mga manggagawa sa kapitalista upang humingi ng kahit kaunting kaginhawaan sa buhay, wala itong aabutin. Hindi makakanti ang konsensya ng kapitalista sapagkat anuman ang kanyang pagkatao ay oobligahin siya ng malupit na kompetisyon na maging malupit ding negosyante, tinitimbang ang lahat ng bagay batay sa tubo, binibilang ang bawat salaping kikitain.
Tanging sa pagsasama-sama magkakaroon ng lakas ang mga manggagawa. Sa pagtatayo ng unyon natitigil ang kompetisyon sa pagitan ng mga indibidwal na manggagawa. Ito ang simula ng kooperasyon ng mga manggagawa sa pakikipaglaban sa kapitalista para sa pangkalahatang pagtaas ng sahod. Sa pamamagitan ng pag-uunyon at pakikibakang pang-unyon nagawang kumuha ng konsesyon ang mga manggagawa mula sa kapitalista.
Ang pag-unlad ng kapitalismo ang mismong nagluwal ng mga kondisyon para sa pagsilang at pagsulong ng kilusang unyon. Sa pag-abante ng industriyalisasyon, nabuo ang malalaking empresa na umuupa ng laksa-laksang manggagawa, naitayo ang mga higanteng pabrika kung saan natipon ang daan-daan, libu-libong trabahador. Sapagkat magkakasama ang mga manggagawa madaling magkapalagayan ng loob at magkaunawaang may iisang kapalaran lamang silang lahat.
Sa tulak ng industriyalisasyon, hindi lamang nakokonsenta ang mga manggagawa kundi napagpapantay ang kanilang sahod, kondisyon sa paggawa at antas ng pamumuhay. Nabubuo ang isang pulutong ng mga taong may komon na karanasan sa trabaho at kolektibong suliranin sa buhay. Sapagkat iisa ang kalagayan ng mga manggagawa ay madulas na umuusbong ang pagnanasang magkaisa para maghanap ng solusyon sa kolektibong karaingan.
Isinilang na kakambal ng pag-uunyon ang pagwewelga. Ang pag-uunyon, sabihin mang nagsimula lamang para kolektibong magpetisyon o makipagnegosasyon, ay mabilis na bumabaling sa pagwewelga bunga ng pagmamatigas ng kapitalista. Bibitawan ng mga manggagawa ang mga kagamitan sa produksyon upang obligahin ang kapitalistang makinig at humarap, indain man nila ang banta ng karahasan sa kanilang katawan at ang gutom sa tiyan ng kanilang pamilya.
Ang unyon at welga ang mga armas panlaban ng manggagawa. Kung wala ang mga ito, wala ni anumang sandata ang manggagawa sa kanyang pang-araw-araw na pakikipagtuos sa kapitalista. Sa harap ng lakas ng kapital, ang unyon at welga, hindi kamanggagawa o negosasyon, ang masasandigan ng mga manggagawa.
Kung nagtetengang kawali ang mga kapitalista, bumabaling ang kilusang unyon sa gobyerno at sa mga institusyon nito sa pag-asang matugunan ang mga kahilingan ng manggagawa. Hihingin mula sa maykapangyarihan ang mga batas at patakarang lulutas sa mga komon na suliranin ng manggagawa. Sa paraan ng pagpetisyon at paglaban ng kilusang manggagawa sa gobyerno, naipagwagi ang 8 oras na araw ng paggawa, minimum na sahod, regulasyon sa kaligtasan at kalusugan sa pabrika, at iba pang batas sa paggawa.
Hindi lamang sinasaklaw ng unyonismo ang paglaban para paunlarin ang kalagayan ng mga manggagawa sa isang empresa kundi ang pagkilos ng buong uri para hingin sa pamahalaan ang proteksyon sa paggawa sa pangkalahatan para sa lahat ng manggagawa sa buong lipunan. Hindi lamang nito saklaw ang lantay na pakikibakang pang-ekonomya kundi maging ang pampulitikang pagkilos para sa pampabrikang mga kahilingan.
Ang layunin at mga aktibidad ng mga unyon ay umiikot sa paggigiit ng pang-ekonomyang mga kahilingan ng manggagawa - sapat na pasahod, katiyakan sa hanapbuhay, mahusay na kalagayan sa paggawa at iba pang pampabrikang usapin. Ito ang batayan ng pagkakaisa at ang dahilan sa pag-iral ng mga unyon.
Sa sumada, ang unyonismo ay pagpapahusay ng kalagayan ng manggagawa sa umiiral na lipunan. Ito ay pagrereporma ng kapitalismo.
Subalit ang interes ng manggagawa ay hindi lubusang tinutugunan ng pagpapataas ng sahod at pagpapaganda ng kalagayan sa paggawa, ng pagrereporma ng sistemang sahuran.
Sakalin mang tumaas ang sahod, ibig sabihin lamang nito ay tumaas ang presyo ng pagkaalipin. Sakali mang gumanda ang kalagayan sa paggawa sa panahong masigla ang ekonomya, laging banta ang pagtanggal sa trabaho sa paghupa sa negosyo. Laging nasa bingit ng kawalang katiyakan ang buhay ng manggagawa. Anumang ganansya ang matamasa ng manggagawa sa kapitalismo, isa pa rin lamang siyang sahurang alipin, maaaring tapakan at alipustahin sapagkat nasa paanan lamang ng lipunan, itinakda ng "tadhana" sa kapitalistang kaayusan na manatiling busabos.
Katunayan, sa tulak ng kompetisyon sa pagitan ng mga kapitalista, sa interes mismo ng pananatili't paglago ng negosyo, ang pangkalahatang tendensya ay di pagtaas kundi pagbaba ng sahod. Obligadong palakihin ng kapitalista ang kinukuha niyang tubo at iniipon niyang kapital kundi ay magagapi siya ng negosyanteng karibal. Iisa lamang ang paraan para maabot ito - patindihin ang pagsasamantala sa mga manggagawa. Ito'y nangangahulugan ng pagpapaliit ng sahod para lumaki ang tubo. Ang katotohanang ito ay litaw na litaw at lantad na lantad sa panahong ito ng globalisasyon.
Ang pakikibakang pang-unyon ay depensibang aksyon lamang kontra sa pangkalahatang tendensyang ito ng kapitalismo, isang pakikibakang gerilya sa walang katapusang pananalasa ng kapital at pagragasa ng pamilihan sa kalagayan ng paggawa. Sa unyonismo, ang nilalabanan lamang ay mga epekto hindi ang mismong ugat ng problema. Pinapawi lamang ang lagnat, hindi pa nilulunasan ang mismong karamdaman.
Ang katubusan ng uring manggagawa ay wala sa pagpapakintab ng tanikala ng kapitalismo, kundi nasa pagputol sa kadenang ito. Ang paglaya ng uring manggagawa ay nasa pagwasak mismo ng umiiral na sistema, di lamang ng pagpawi sa mga pang-aabuso nito. Kagyat na interes lamang ang pagtaas ng sahod habang ultimong interes ng uri ang pagwasak sa sistemang sahuran.
Kinakailangang wasakin ng uring manggagawa ang mismong sistemang kapitalista at itayo ang isang bagong lipunan. Ipapalit ng manggagawa ang sosyalismo, isang kaayusang pinatatakbo para sa tao at hindi para sa tubo.
Ang landas ng paglaya ay hindi unyonismo kundi sosyalismo. Ang katubusan ng mga manggagawa ay nasa pakikibaka ng uri para sa sosyalismo.
Ang pakikibaka para sa sosyalismo ay nangangahulugan ng pagpapabagsak sa umiiral na gobyernong nagtatanggol sa kasalukuyang sistema, ng pag-agaw ng mga manggagawa sa pampulitikang kapangyarihang tangan ng mga kapitalista.
Maaring maobliga ang mga kapitalistang ibigay ang mas mataas na sahod subalit hindi sila mapipilit na lansagin ang mismong sistemang sahuran. Ang pagtaas ng sahod ay mangangahulugan lamang ng pagliit ng tubo. Subalit ang pagwasak ng sistemang sahuran ay mangangahulugan ng pagpawi sa mismong tubo. Sa madaling salita, sa paglaho ng mga kapitalista bilang uri. Ang pagpawi sa kapitalismo ay isang buhay-at-kamatayang usapin para sa mga kapitalista at hindi nila ito mapapayagan. Upang pangalagaan ang kanilang pag-iral at ipagtanggol ang sistemang sahuran, hinahawakan ng uring kapitalista ang pampulitikang kapangyarihan, itinatayo nila ang estado.
Ang kapangyarihang pang-estado - na palasak na itinuturing na gobyerno - ay binubuo ng ehekutibo o mga opisyal pambansa at lokal, kasama ang gabinete, na nagpapatupad ng mga patakaran at batas; ng lehislatibo o mga kongresista at senador na nagbabalangkas ng mga batas; ng mga hukuman; at ng mga militar at pulisya. Ang buong makinaryang pang-estadong ito ang nagtitiyak sa paghahari ng uring kapitalista - hindi lamang sa loob ng pagawaan kundi sa buong lipunan.
Ang lakas pang-ekonomya ng kapital ay naisasalin bilang pampulitikang kapangyarihan. Sinuman ang tumao sa estado, matutumbasan ng salapi ang kanilang katapatan. Kung paanong binibili ng kapitalista ang lakas-paggawa ng mga manggagawa para pagsilbihin sa produksyon, sa ganoong paraan din binibili ang katapatan ng mga opisyal ng gobyerno, tauhan ng burukrasya, maging ang mga pulis at sundalo ng sandatahang lakas, para ipagtanggol ang interes ng buong uring kapitalista.
Mula sa paggawa ng mga batas hanggang sa pagpapatupad nito, bawat aspeto ng gawaing pang-estado ay may tatak ng makauring pagkiling sa kapital, minsan ay hayagan, minsan ay patago. Sa pagkakataong sumisiklab ang mga welga at pakikibaka, sa mga panahong nagigipit ang mga kapitalista, ang buong lakas ng estado poder ay lantarang sumasaklolo sa kanilang panig. Ang armadong pwersa ay tuwirang ginagamit para gapiin ang lumalabang mga manggagawa.
Ang anumang pagtatalo sa pagitan ng mga opisyal ng pamahalaan at pag-aaway sa pagitan ng mga haligi ng estado ay tunggalian lamang ng interes ng magkakaibang seksyon ng uring kapitalista. Subalit ang mga pagtatalong ito ay hindi para baguhin ang lipunan sapagkat laging nagkakaisa ang estado sa pagtatanggol sa umiiral na sistema.
Katunayan, binabasbasan ng mismong saligang batas ang pagiging sagrado ng pribadong pag-aari. Tinatanggap nitong likas ang sahurang pang-aalipin. Mayroon mang mga alituntunin labas sa pang-aabuso sa manggagawa, wala namang batas na nagbabawal sa mismong pagsasamantalang kapitalista. At hindi mangyayaring ipanukala ng kapitalistang estado ang pagwasak sa lipunang nagsilang sa kanya.
Ang uring kapitalista ay hindi lamang mapagsamantalang uri kundi naghaharing uri sa lipunan. Ang estado sa sistemang kapitalista ay isang kapitalistang estado. Ito'y estadong kumakatawan at nagsisilbi sa interes ng kapital. Ang demokrasya sa lipunang burgis ay isang demokrasyang burgis, isang demokrasyang kiling sa interes ng kapital. Ang demokrasya sa kapitalismo ay kalayaan lamang na pana-panahong ihalal kung sinong kinatawan ng naghaharing uri ang mang-aapi sa mga manggagawa.
Ang estado ang gwardya ng sistemang kapitalista. Ito ang 24 oras na nagbabantay sa pribadong pag-aari ng uring kapitalista. Para pawiin ang pribadong pag-aari kailangan munang paslangin ang gwardyang ito.
Ang pakikibaka ng manggagawa ay kailangang dumulo sa pag-agaw ng kapangyarihan mula sa uring kapitalista, sa pagpapabagsak sa umiiral na estado, at sa pagtatayo ng estadong manggagawa sa pamamagitan ng rebolusyon. Iluluklok ng sosyalistang rebolusyon ang mga manggagawa bilang bagong naghaharing uri na magtatatag ng sosyalistang lipunan.
Ang manggagawa na mulat sa katotohanan at pangangailangan ng pagpawi sa pribadong pag-aari at pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika ay hindi na lamang isang unyonista kundi isa nang sosyalistang manggagawa.
IV
Hamon ng Kasaysayan
Misyon ng Uri
Casino Bonus Codes - December 2021
TumugonBurahinNo deposit bonus casino promotions. https://septcasino.com/review/merit-casino/ We recommend 2021 casino bonus poormansguidetocasinogambling.com codes and promos https://deccasino.com/review/merit-casino/ for ford escape titanium new players. We also list new 1xbet login casino bonuses for December 2021.